'Ikulong si Imelda,' muling iginiit ng mga biktima ng batas militar

,

Sa ikatlong pagkakataon, nagsumite ng petisyon ang mga biktima ng batas militar at dating bilanggong pulitikal sa Korte Suprema noong Nobyembre 9 para ikulong si Imelda Marcos, asawa ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr. Kaugnay ito ng hatol ng korte noong Nobyembre 9, 2018 na 42 taong pagkakakulong kay Imelda sa mga pitong bilang ng kasong graft.

Nagpiket ang grupong Samahan ng mga Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (SELDA) sa harap ng Korte Suprema kasabay ng pagsusumite ng petisyon.

Anito, apat na taon na ang nakalilipas pero ni minsan ay hindi humimas ng rehas ang asawa ng diktador. Dapat umanong tugunan ng Korte ang kanilang apela, ibasura ang apela ni Marcos sa kanyang kaso at pagtibayin ang hatol ng Sandiganbayan.

Si Imelda ay hindi naikulong matapos magpyansa at bigyan ng maluwag na kunsiderasyon ng gubyerno ng Pilipinas dahil sa kanyang “katandaan.”

Ang hatol sa kanya ng Sandiganbayan ay nagmula sa pagbubuo niya ng mga pribadong mga foundation sa Switzerland habang nagsisilbing gubernador ng Metro Maabila at minstro ng Minister of Human Settlements at myembro ng Interim Batasang Pambansa. Ginamit ng pamilyang Marcos ang mga foundation para magkamal ng yaman mula sa kaban at pondo ng gubyerno.

“Nanggagalaiti kami habang nakikita naming wala sa kulungan si Mrs. Marcos, pangunahing kasabwat ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr, sa kabila ng hatol sa kanya ng Sandiganbayan,” ayon sa grupo.

Ayon kay Dennise Velasco ng national secretariat ng Selda, wala pa rin silang natatanggap na tugon mula sa Korte Suprema sa nagdaang mga isinumite nilang apela dito.

Hamon ng grupo kay Chief Justice Gesmundo, “Wag mong hayaang maitala sa kasaysayan na ang mga krimen ng mayayaman at makapangyarihan tulad ng mga Marcos ay hindi man lang naparusahan sa ilalim ng iyong termino.”

Giit nila sa piket: Iselda si Imelda!

AB: 'Ikulong si Imelda,' muling iginiit ng mga biktima ng batas militar