Balita

Iligal na pagbabakod at pang-aagaw ng lupa ng mga Yulo sa Laguna, nilalabanan

,

Umalma ang mga magbubukid na residente ng Barangay Casile, Cabuyao, Laguna sa pagbabakod ng Emirates Security Agency at Santa Rosa Realty Development Corporation (SRRDC), pag-aari ng mga Yulo, sa 24-ektaryang lupain sa barangay noong Setyembre 23. Kinundena ng Pagkakaisa’t Ugnayan ng mga Magbubukid sa Laguna (Pumalag) ang iligal na aksyon na ito ng mga Yulo. Ang pamilyang Yulo ay isa sa pinakamalaking panginoong maylupa sa prubinsya.

Ayon sa ulat, hindi mapuntahan ng mga magbubukid ang kanilang tanim sa loob ng binakuran na lugar. Ang 11 pamilya na nakatira sa loob nito ay pinapapasok ngunit kumakaharap sa banta mula sa mga gwardya. Nagtayo rin umano ng karagdagang himpilan ang mga gwardya sa bungad ng binakurang lupa.

“Ang walang batayang hakbang na ito, na isinagawa sa gitna ng gabi, ay hindi lamang lumalabag sa mga karapatan ng mga lokal na magsasaka kundi nagbabanta rin sa kabuhayan at seguridad ng komunidad,” pahayag ng Pumalag.

Sa kasagsagan ng pagbabakod, kaagad na kinumpronta ng Samahang Magsasaka ng Casile ang mga tauhang panseguridad ng korporasyon para igiit ang kanilang karapatan sa lupa. Anang samahan, walang maipakitang kahit anong papeles o permiso ang mga ito sa kanilang pagbabakod.

“Sa halip na sumunod sa mga legal na proseso, ang mga ahente ay gumamit ng pananakot, nagbanta ng mga parusa sa sinumang naglakas-loob na hamunin ang kanilang mga aksyon,” pahayag pa ng Pumalag.

Sa gulat ng samahan ng mga magbubukid, nakatanggap sila kinabukasan ng kanselasyon sa hawak nilang mga Certificate of Land Ownership Award (CLOA). Nagdulot ito ng seryosong pag-aalala hinggil sa patuloy na mga hidwaan sa lupa na kinahaharap ng komunidad mula pa noong dekada 80.

Ayon sa Pumalag, ang mga hakbang ng SRRDC at mga ahente nito ay hindi lamang nagpapakita ng pagwawalang-bahala sa batas kundi pati na rin ng matagal nang isyu ng pang-aagaw ng lupa ng mga magsasaka.

“Ipinapakita ng sitwasyong ito ang agarang pangangailangan para sa komprehensibong reporma sa lupa at ang proteksyon ng mga karapatan ng mga magsasaka sa harap ng patuloy na pagsasamantala at karahasan,” pahayag ng mga magbubukid.

AB: Iligal na pagbabakod at pang-aagaw ng lupa ng mga Yulo sa Laguna, nilalabanan