Imbestigasyon ng ICC sa mga krimen ni Duterte, tuluy na tuloy na

,

“Walang merito” o hindi makatatayo ang argumento ng gubyerno ng Pilipinas laban sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng International Criminal Court sa mga krimen laban sa sangkatauhan ng nagdaang rehimeng Duterte.

Ito ang naging tugon ni Karim Khan, prosekyutor ng korte, sa pusisyon ng gubyerno ng Pilipinas na hindi na dapat ituloy ng ICC ang kaso. Isinapubliko kahapon ang pahayag ni Khan.

Dalawang linggo bago nito, tinangka ng gubyerno ng Pilipinas na pigilan ang imbestigasyon sa pamamagitan ng pagkwestyon sa hurisdiksyon o ligal na saklaw ng ICC at paggiit na hindi mga krimen laban sa sangkatauhan ang mga pagpaslang sa ilalim ng huwad na gera kontra-droga.

Ayon kay Khan, walang anumang probisyon sa mga batas na gumagabay sa ICC na nagsasaad na maaring pigilan ng isang estado ang imbestigasyon ng korte. Dagdag dito, walang isinumite ang Pilipinas na impormasyon na kontra sa mga ebidensyang nakalap na ng prosekusyon.

Gayundin, walang nakitang ebidensya ang upisina ni Khan na mayroong mga paglilitis laban sa mga salarin, liban sa napakaliit na bilang ng mga kaso na nakatuon sa mga pulis na mababa ang ranggo. Walang anumang imbestigasyon na nagsasangkot sa mga nasa matataas na pusisyon at ang mangilan-ngilang kaso ay sinasabi pang “isolated” at hindi bahagi ng mas malawak na padron o bahagi ng isang umiiral na patakaran, anito.

Nakatakdang simulan ang imbestigasyon noong Hunyo 24, at naantala lamang dulot ng samutsaring “rekwes” ng pagpapaliban dito ng gubyerno.

Nagtapos ang rehimeng Duterte noong Mayo 31 nang may 6,252 napatay sa gera kontra-droga, ayon sa upisyal na estadistika ng pulis. Malayo ito sa 12,000 hanggang 30,000 na naitalang pinatay ng mga grupo sa karapatang-tao.

Nagpapatuloy ang huwad na gera kontra-droga sa ilalim ng rehimeng Marcos II. Ayon sa @DahasPH (dahas.upd.edu.ph), umabot na sa 232 ang mga pinaslang kaugnay sa gera kontra-droga mula Enero hanggang Setyembre 22 ngayong taon. Di bababa sa 79 dito, kung saan tatlo ay menor de edad, ay isinagawa sa ilalim ng bagong rehimen ni Marcos.

AB: Imbestigasyon ng ICC sa mga krimen ni Duterte, tuluy na tuloy na