Imbestigasyon sa pagpatay ng 37th IB sa guro ng mga Lumad, itinutulak

,

Itinutulak ng Save Our Schools (SOS) Network ang isang imparsyal (walang kinakatigan) at buong imbestigasyon sa pagpatay ng 37th IB kay Rowe Jhon Libot, boluntir na guro sa eskwelahan ng mga Lumad, noong Hulyo 27 sa Kalamansig, Sultan Kudarat. Ayon sa grupo, ang walang-awang pagpaslang sa kanya ng mga sundalo ay paglabag sa internasyunal na makataong batas at mga alituntunin ng digma na aplikable sa mga lugar na may umiiral na armadong tunggalian.

Si Libot ay isang boluntir na guro ng eskwelahang Lumad na Center for Lumad Advocacy Networking and Services (CLANS) at kalaunan ay sa Lumad Bakwit School na inilunsad sa Metro Manila. Nag-aral siya ng kolehiyo noong 2014-2018 sa Liceo de Davao-Tagum ng Bachelor in Secondary Education major in English sa tulong ng libreng pagpapa-aral ng Mindanao Interfaith Services Foundation.

“Ang sinasabi ng AFP na kumaharap sa mga kasong kriminal si Libot simula 2017 ay walang katotohanan,” ayon pa sa grupo. Sa katunayan, ayon sa SOS Network, “nang makapagtapos, isinabuhay niya ang esensya ng pagiging isang iskolar ng bayan dahil sa pagsusumikap ng mga organisasyong lumad, indibidwal na mga isponsor, at mga tagapagtaguyod ng edukasyon ng mga Lumad.”

Simula 2018 ay inilaan ni Libot ang kanyang panahon sa pagtuturo at pakikiisa sa pakikibaka ng mga Dulangan-Manobo. “Sa kabila ng walang tigil na panggigipit sa mga pwersang militar, nanatili siyang matatag sa pag-aaral sa tunay na kalagayan ng mamamayang Lumad,” paliwanag ng SOS Network.

Nakatulong din si Libot sa mga misyong medikal at relief sa mga militarisadong komunidad ng mga Dulangan-Manobo noong panahon ng pandemya.

Matatandaan na noong Pebrero 24, 2022, naganap ang katulad na karumal-dumal na pagpatay ng mga pwersang militar kina Chad Booc at Gelejurain Ngujo II, mga boluntir na guro sa paaralang Lumad, at tatlo nilang mga kasama na sina Elegyn Balonga, Robert Aragon, at Tirso Añar sa New Bataan, Davao de Oro.

AB: Imbestigasyon sa pagpatay ng 37th IB sa guro ng mga Lumad, itinutulak