Balita

Imprastrukturang pangmilitar, itatayo ng US sa Batanes

,

Patuloy na kinakaladkad ng imperyalismong US ang Pilipinas sa potensyal na armadong sigalot nito sa China. Noong Marso 11, inianunsyo ni Batanes Gov. Marilou Cayco ang nakatakdang konstruksyon ng mga sundalong Amerikano ng isang “sibilyang daungan.” Hiwalay pa ito sa dati nang naval station sa Mavulis Island, na itinayo naman para “may mapupuntahan ang mga Pilipinong nasa Taiwan kung sakaling pumutok ang krisis.”

Magsisimula ang konstruksyon ng daungan sa Abril, kasabay ng Balikatan 2024. Inilulusot ito ng AFP, kakoro ang lokal na gubyerno, na para diumano ito sa gamit ng lokal na mga mangingisda, at ng AFP sa panahon ng mga sakuna. Nakatakdang isagawa ng US ang Balikatan sa Mavulis Island ngayong taon. Noong nakaraang taon, ginamit nitong palaruan ang Batan Island, ang mayor na isla ng Batanes, sa inilunsad nitong Balikatan.

“Kasinungalingan ang proklamasyon ng AFP na hindi gagamitin ng mga sundalong Amerikano ang gagawing imprastraktura oras na matapos ang konstruksyon,” bwelta ni Guillermo Alcala, tagapagsalita ng Cagayan Valley Regional Operational Command ng BHB-Cagayan. “Maghihimpil nga sila sa mga EDCA site na pera ng taumbayan ang nagpondo, mas lalo na kapag nanggaling mismo sa sarili nilang bulsa.”

Mapanganib ang paggamit ng US sa Batanes sa mamamayan, lalo na sa mga taga-Cagayan Valley, na nasa bungad ng China at Taiwan, ayon kay Alcala. “Paraan ito ng US upang hamunin at udyukan ang China,” aniya. Nananawagan siya ng higit na pagkakaisa ng mamamayan, laluna ng mga taga-Cagayan, para tutulan at labanan ang militarisasyon ng US ng US sa rehiyon at buong bansa.

AB: Imprastrukturang pangmilitar, itatayo ng US sa Batanes