Balita

Internasyunal na mga partido at organisasyon, nagpaabot ng pagbati sa ika-55 anibersaryo ng PKP

Ipinabot ng iba’t ibang kaibigang partido at organisasyon mula sa ibang bansa ang kanilang pagbati at pagpupugay sa Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa pagdiriwang ng ika-55 anibersaryo nito noong Disyembre 26, 2023. Naglabas ng pahayag ng pakikiisa ang mga organisasyong mula sa India, Turkey, United States, at Ireland.

Sa bidyo-pahayag ng Komite Sentral ng Communist Party of India (Maoist), pinagpugayan nito ang PKP sa higit limang dekadang pamumuno sa pambansa-demokratikong pakikibaka ng mamamayang Pilipino.

“Simula higit limang dekada na ang nakararaan, sumusulong ang pambansa-demokratikong pakikibaka ng Pilipinas sa gabay ng Komite Sentral ng PKP sa harap ng hindi mabilang na mga pagsubok at pangingibabaw sa mga kamalian at kahinaan at mga liko’t ikot,” ayon sa CPI (Maoist).

Pinarangalan nila ang mga namartir na lider ng Partido kabilang si Kasamang Jose Maria Sison, tagapangulong tagapagtatag ng Komite Sentral ng PKP, na pumanaw noong Disyembre 16, 2022. Pinagpugayan nila ang dakilang mga ambag ng mga lider ng Partido sa pagtatagumpay ng rebolusyong Pilipino at pagsulong ng pandaigdigang kilusang proletaryo.

Ipinahayag naman ng Anti-Imperialist Action Ireland (AIAI) ang paghanga nito sa PKP sa pamumuno sa anti-imperyalistang pakikibaka ng sambayanang Pilipino. “Sa makasaysayang okasyon na ito, kaming mga Irish Republican ay sumasaludo sa PKP sa makasaysayang tatag, kapasyahan at inisyatiba nito,” ayon pa sa grupo.

Kinilala rin ng AIA-Ireland ang “matapang na bagong hakbang” ng Partido tungo sa hinaharap sa paglulunsad ng kilusang pagwawasto. Anang grupo, “magbubunga ito ng bagong henerasyon ng mga magbabandila ng rebolusyon at rebolusyonaryo mula sa hanay ng sambayanang Pilipino.” Dagdag pa nila, buo ang kanilang tiwala sa Partido at maipagmamalaking nasasaksikhan nila ang isang panibagong mahalagang yugto sa rebolusyong Pilipino.

Samantala, hinikayat naman ng Socialist Unity Party (SUP) ng US ang mga Amerikano na pag-aralan at suportahan ang kilusang rebolusyonaryo sa Pilipinas. “Alam namin maraming matututunan sa rebolusyonaryong kasasayan nito at sa paglalapat nito ng Marxismo sa partikular na kundisyon [ng Pilipinas],” ayon sa SUP.

Sa minimum, dapat umanong unawain ng mga anti-imperyalista sa US ang ginagampanan ng gubyerno ng US sa pagsasamantala sa mamamayang Pilipino at yaman ng Pilipinas. “Nananawagan kami sa mga anti-imperyalista sa US na tunay na pag-aralan ang Pilipinas at rebolusyon nito para lumikha ng positibong ugnayan sa mga pambansa-demokratikong organisasyon tungo sa isang nagkakaisang prente laban sa imperyalismo,” ayon pa sa SUP.

Nagpahayag din ng pakikiisa at pagbati ang Communist Party of Turkey-Marxist Leninist (TKP-ML) at Friends of the Filipino People in Struggle (FFPS) sa Partido.

Sa pahayag ng Komite Sentral sa ika-55 anibersaryo ng Partido, ipinanawagan nito ang pagpapalakas sa internasyunal na rebolusyonaryong gawain. Kabilang sa mahahalagang mga tungkuling inilatag nito ang pagkawing ng rebolusyong Pilipino sa pandaigdigang kilusang anti-imperyalista at sa proletaryong rebolusyon sa buong mundo.

Gayundin, ipinanawagan nito ang pagtataas ng antas ng kampanya para kabigin ang suportang internasyunal para sa rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas, habang nagbibigay ng lahat ng anyo ng suporta sa mga maka-uring pakikibaka ng mga manggagawa, at pakikibakang demokratiko at anti-imperyalista sa iba’t ibang panig ng mundo.

“Dapat patuloy na palakasin ang relasyon ng pakikipagkapatiran sa mga partido at organisasyong Marxista-Leninista-Maoista, palakasin ang diyalogo at tulungang komunista,” pahayag pa ng Komite Sentral. Dapat din umanong isagawa ang aktibong pakikipagtunggali sa ideolohiya upang ilantad at iwaksi ang modernong rebisyunismo, Trotskyismo, Gonzaloismo at iba pang rebisyunistang agos na bumabaluktot sa Marxismo, Leninismo at Maoismo.

AB: Internasyunal na mga partido at organisasyon, nagpaabot ng pagbati sa ika-55 anibersaryo ng PKP