Isang kwento ng pag-ibig: Nang dahil sa bracelet

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English


Para sa Araw ng mga Puso, inilalathala ng Ang Bayan ang kwento ng magkarelasyong mandirigma na nagkakilala, naging magkarelasyon at nag-asawa sa gabay ng Partido.

Salin mula sa orihinal na Bisaya, ito ang kwento nina Ka Safa at Ka Asyong.
___

“Love at first sight” ang paglalarawan ni Safa nang una niyang makita si Asyong.

“Kumperensya naming mga kabataan noon, instruktor namin siya sa Padepa (Pambansa-demokratikong Paaralan). Demokratikong rebolusyong bayan ang paksa niya. Naka-all black uniform at full battle gear habang nagtuturo. Wow, astig! Crush ko agad siya,” natatawang kwento ni Safa. Dalawang taon nang aktibista sa isang paaralan si Safa noon.

“May mga batayang pulitikal din,” habol ni Safa. “Komprehensibo sa trabaho, mahusay sa gawaing instruksyon, militar, mataas ang disiplina, hindi makalat sa mga gamit!”

Nang magpasyang magpultaym si Safa sa hukbong bayan, napabilang siya sa yunit kung saan nagsisilbing medik ng platun si Asyong. Dito lalong nahulog ang kanyang loob sa kasama.

“Hindi kagwapuhan pero pasado sa standard! Hahaha.” Napansin niyang malinis ang kasama, marunong mag-pedicure at manicure. “Marunong din siya magburda,” kwento ni Safa. “Lalo akong napahanga nang makita ko ang husay niya sa pagko-koryo (choreograph ng sayaw).”

Sa panig ni Asyong, una pa lamang ay pansin na niya ang pagiging bukas ni Ka Safa at interes niya na matuto sa mga bagay na bago sa kanya. “Samokan (makulit), jologs,” pag-alala niya sa unang mga araw na nakilala niya ang kasama. Naging komun nilang hilig ang pagsayaw. Dating cheerleader si Safa at may kasanayan sa martial arts si Asyong.

“Interesado siya makinig at hindi arogante,” ayon kay Asyong. “Kahit laking-syudad, hindi mapili. Kahit anong pagkain sa gubat, kakainin niya. Madali siyang maka-relate sa mga kasama. Madali ring mahulog ang loob ng masa sa kanya.”

Pansin din ni Asyong ang husay ng kasama sa mga gawain at ang mataas nitong inisyatiba sa lahat ng panahon. “Malaki ang tulong ni Ka Safa sa gawain sa hukbo,” aniya. “May mahuhusay siyang rekomendasyon para sa pagpapaunlad ng mga gawain sa loob nito.”

“Sa kabilang banda, mabagal siyang kumilos!” pabirong kwento ni Asyong. “Pero hindi naging sagabal ang mga kahinaan niya sa paglahok sa armadong paglaban at dahil dito, napaibig ako sa kanya.”

Aminado si Asyong na minsan, nahihirapan si Safa na mag-adjust laluna kung mabilis na nagbabago ang sitwasyon. “Pero dahil lagi siyang bukas sa mga payo ng mga kasama, napangingibabawan niya ang mga ito.”

Nagsimula ang kanilang ligawan sa paggawa ng bracelet o polseras na agsam.

“Ang ganda naman ng design ng bracelet na gawa mo, Ka Asyong,” naalala ni Safa na sinabi niya noon. “Pwede akin na lang?”

“Para sa yo talaga”yan,” nakangiting sagot ni Asyong. “Turuan pa kita para marunong ka rin gumawa.”

Tawang-tawa si Safa sa pagkaalala niyang gwapong-gwapo siya kay Asyong noong nginitian siya. “Ang pantay ng ngipin!” naisip niya. “Parang nag-braces.” Tinawag niyang “pinakanakapagpagwapo” kay Asyong ang “nakatutunaw” niyang ngiti.

Mula noon, marami nang ibinigay na bracelet si Asyong na nagpakilig sa kanya. “Sayang lang at nangawala ko na,” kwento ni Safa.

Bagamat ramdam na nila ang mutwal na atraksyon, walang ginawa ang dalawa kaugnay dito. Sa loob ng hukbong bayan, ipinagbabawal ang panliligaw sa, at pagpapaligaw ng, mga bagong rekrut sa loob ng takdang panahon para mabigyang-bwelo ang kanilang gawain. Hindi rin iniengganyo ang tago at matatagal na kwentuhang one-on-one sa pagitan ng mga “single” para iwasan ang mga sitwasyong nakapagbubuo ng mga kundisyon para sa lihim na mga relasyon.

“Hindi kami nag-uusap na kaming dalawa lang. Dumaan kami sa pormal na proseso,” kwento ni Safa. “May balak na akong magpaalam sa kolektib ko na maghapag ng programa (ng pakikipagrelasyon) kay Asyong.” Sa paghahapag, isinasalaysay ng nais magpaabot ng “programa” ang kanyang mga batayan, kahandaan sa pakikipagrelasyon at plano kaugnay dito. Kapag walang kumplikasyon, ipapaaabot ito ng yunit ng naghahapag sa yunit ng hinahapagan. “Yun nga lang, naunahan niya ako!”

Isang taon matapos pormal na maghapag ang binata, itinakda ng mga yunit nila ang kanilang pagkikita. “Nagkausap kami at sabi niya sa akin na manliligaw siya,” kwento ni Safa. “Syempre, sinagot ko agad.” Pero kahit magkarelasyon na sila, magkahiwalay sila ng trabaho sa sumunod na dalawang taon. Si Asyong ay nanatili sa orihinal niyang yunit para makapokus sa gawaing pulitiko-militar habang inilipat sa gawaing masa si Safa.

Lubos ang kanilang tiwala sa isa“t isa sa panahong magkalayo sila. Gayunpaman, nahirapan din sila sa kaayusang magkalayo sa simula. May mga panahong gusto nilang makausap ang isa”t isa araw-araw o makabisita sa mas madaling panahon kahit hindi naman pinapayagan ng sitwasyon. Napangibabawan naman ito ng magkasintahan.

“Nakatulong ang kolektib, gayundin ang paggagawaing masa,” ayon ka Safa. “Napantay ko ang paninindigan ko bilang rebolusyonaryo, nakapagpanibagong-hubog.” Sa panahong ito lalong tumatak kay Ka Safa ang kaseryosohan ng pakikipagrelasyon sa loob ng kilusan, kaiba sa “uyab-uyab lang” o kaswal na pakikipagrelasyon sa burgis na lipunan.

“Nagkita kami ulit matapos ang dalawang taon at tinasa namin ang aming mga nararamdaman,” kwento ni Safa. Isinangguni nila sa kani-kanilang mga grupo ang kanilang mga napag-isipan. Di kalaunan, ikinasal sila sa ilalim ng bandila ng Partido.

Tulad sa maraming kasal sa Partido, nagkaroon ng pulong ang mga ikakasal at kanilang mga “ninang” at “ninong,” mga kasama at masang may mahahaba nang karanasan sa pag-aasawa, bago ang seremonya. Dito ibinabahagi sa ikakasal ang mga payo ng ilang dekada nang praktika ng pag-aayos ng Partido sa kasal.

“Mahuhusay ang mga payo ng mga kasama at masa sa amin,” kwento nina Asyong at Safa. “May nagsasabing nakakapagpatatag ang pagpapakasal. Habang paparami ang mga responsibilidad namin sa kilusan, magkakaroon kami ng katimbang sa pagpapatupad ng mga gawain.”

Sa kabilang panig, payo rin ng mga kasama at masa na hindi dapat matali sa personal na relasyon ang relasyong mag-asawa at dapat namamayani pa rin ang relasyong pulitikal o relasyong magkasama sa rebolusyon.

“Dapat laging tapat sa isa”t isa,” kwento ni Safa. “Kung may problema, isangguni sa kolektiba para matulungan.”

“Pangako namin sa isa”t isa na anumang problema na kahaharapin namin sa pagiging mag-asawa, hindi ito magiging hadlang sa pagpapatupad namin sa aming mga gawain,” kwento ng dalawa. “Kung mayroon kaming di pagkakaunawaan, hindi kami mahihiyang humingi ng payo sa aming mga kakolektib.”

Sa pagitan ng dalawang mandirigmang araw-araw na sumusuong sa buhay-at-kamatayang pakikibaka, realidad ang pangakong “till death do us part.”

Balang araw, balak ni Ka Safa at Ka Asyong na magkaanak. “Dalawa,” ayon kay Asyong. “May apat na taong pagitan para hindi masinsin ang leave,” ayon naman kay Safa. “Pero di agad.”

Balak nilang bigyan-panahon ang relasyong mag-asawa para higit pang magkakilanlan at ihanda ang mga sarili para sa pagpapamilya. Hindi kaila kay Ka Safa ang mga hamon na sinusuong ng kababaihang rebolusyonaryo, laluna ang mga kababaihang mandirigma, oras na magkaroon ng anak. “Mas mabuting may sapat na kahandaan, matatag sa proletaryong paninindigan para sa panahong tamaan ng personal na problema, alam kung paano i-handle,” aniya.

Tiwala sila sa Partido na mahusay na maipupwesto ang kanilang magiging mga anak pagdating ng panahon. “Ang pagpapaalaga sa ating mga anak ay hindi nangangahulugan na nagpapabaya tayo,” ayon kay Ka Safa. Naiintindihan niya na pinalalawak ng mga rebolusyonaryong ina ang responsibilidad na ito tungo sa pakikipaglaban para sa pambansang pagpapalaya.

AB: Isang kwento ng pag-ibig: Nang dahil sa bracelet