Isnayp, kontra-atake, inilunasd ng BHB-Western Samar
Sa harap ng pinatinding operasyong kombat at pandudumog ng mga yunit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga barangay sa Samar, nakapaglunsad ng isnayp at mga kontra-atake ang Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Western Samar (Arnulfo Ortiz Command). Hindi bababa sa isang berdugong sundalo ang napatay habang dalawang iba pa ang nasugatan sa mga armadong aksyon na ito.
Noong Setyembre 16, inisnayp ng BHB-Western Samar ang nagkakampo na mga elemento ng 87th IB sa Barangay Canvais, Motiong, Samar. Sa paunang ulat ng mga tagabaryo, nasugatan ang nagbabantay na tropa ng militar.
Noong Setyembre 14, naunang nakapagpaputok ang Pulang hukbo laban sa nakasalubong nitong nag-ooperasyong yunit ng 46th IB sa Barangay Dugungan, Jiabong. Dalawang minuto ang lumipas bago nakaganting-putok ang tropa ng AFP. Bumulagta sa naturang engkwentro ang isang sundalo ng 46th IB habang isa ang napaulat na malubhang nasugatan. Kinuha ng helikopter ang bangkay ng napaslang at ang nasugatan.
Noon namang Setyembre 11, binigo ng isang yunit ng BHB-Western Samar ang tangkang pag-atake ng 46th IB sa kanilang kampo sa Barangay Salvacion, Jiabong. Anang BHB, nagdamit sibilyan at nag-astang Pulang hukbo ang mga sundalo para manlinlang ng masa. Naagaw ng Pulang hukbo ang inisyatiba sa labanan at aktibong nakapagdepensa laban sa kaaway.
“Dahil sa aktibong depensa ligtas na nakaatras ang mga Pulang mandirigma nang walang pinsala at walang mahalagang gamit na naiwan. Tumagal ang labanan ng 5 minuto,” ulat ng yunit.