Israel, imbwelto sa pagpaslang sa lider-militar ng Iran
Sa unang pagkakataon, tuwirang nabunyag ang susing papel ng gubyerno ng Israel sa airstrike ng US na pumaslang sa lider militar ng Iran na si Gen. Qassem Soleimani sa Baghdad, Iraq noong Enero 3, 2020. Ang nasabing aksyong militar ay itinuturing na isang krimen sa digma at lantarang pagyurak sa pambansang soberanya ng Iraq at Iran.
Sa isang interbyu na inilathala noong nakaraang buwan ng isang magasin sa Israel, ipinagmayabang ng dating hepe sa paniktik ng bansa na si Ret. Maj. Gen. Tamir Heyman na “isang tagumpay ang paglikida kay Soleimani, lalupa’t sa aking pagtingin, ay pangunahing mga kalaban ang mga Iranian.” Binanggit ito ni Heyman sa panayam sa kanya dalawang buwan bago siya magretiro noong Oktubre. Pagmamalaki niya, “pambihirang matunton ang isang nakatataas na pinuno, ang arkitekto ng armadong pwersa, ang estratehista at opereytor.”
Tinarget sa pambombombang ito ang komboy ng mga sasakyang lulan si Soleimani at iba pang mga upisyal militar ng Iran at milisya ng Iraq. Gamit ang isang MQ-9 Reaper drone, nagpabugso ang US ng apat na misayl na Hellfire na tumama sa kanilang mga sasakyan. Agad itong ikinasawi ni Soleimani at ng siyam na iba pa.
Isang linggo matapos ang airstrike, naglabas ng paunang balita kaugnay sa paggamit ng US sa mga ulat sa paniktik ng Israel para kumpirmahin ang detalye ng byahe ni Soleimani mula Damascus patungong Baghdad. Sa maagang bahagi ng taon, ibinalita na “mayroong akses sa mga numero ni Soleimani” ang Israel, at na ibinigay nito ang naturang intelidyens sa US.
Sa nakalipas na dekada, daan-daang mga airstrike ang inilunsad ng Israel sa Syria ngunit bihira itong magkomento ukol sa mga ito. Ang tanging inaamin nito ay ang pagtarget umano sa mga “pwersang suportado ng Iran,” at sa mga sasakyang ginagagamit nito para magpadala ng mga armas sa grupong Hezbollah sa Lebanon.
Ang pagpaslang kay Soleimani ay isa lamang sa mahabang listahan ng mga krimen ng US sa Iran sa loob ng mahigit isang siglong panghihimasok nito sa bansa. Bahagi ito ng mga hakbang ng US para pwersahin ang Islamic Republic of Iran na sumunod sa mga dikta nito para sa pagpapalawig ng hegemonya at pandarambong nito sa Middle East.