Italy, makikisawsaw na rin sa South China Sea alinsunod sa kumpas ng US

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nakatakdang maglayag sa South China Sea at dumaong sa Pilipinas sa kauna-unahang pagkakataon ang carrier strike group ng Italy na Cavour sa darating na Agosto. Inanunsyo ito ng militar ng Italy noong Hulyo 18.

Kasalukuyang nasa Australia ang Cavour bilang kalahok ng Exercise Pitch Black na war games, kasama ang mga pwersa ng US, Pilipinas, Japan, Britain at Papua New Guinea. Bahagi ng war games ang pagpapalipad, paghuhulog ng mga bomba at pagpapakawala ng mga misayl ng 23 eroplanong pandigma na dala-dala ng Cavour. Lulan ng naturang barko ang 1,200 tropa. Ang Exercise Pitch Black ay nakabalangkas sa Indo-Pacific Strategy ng US, kung saan mayor na katambal ang Australia.

Higit na patataasin ng paglalayag ng Cavour ang tensyong pinapaypayan ng US sa South China Sea para udyukin ang China na makipaggera. Noong Abril lamang, nagkaroon ng mainit na palitan ng salita ang China at Italy, matapos batikusin nito at mga kaanib na bansa sa G-7 ang mga patakaran sa ekonomya ng China.

Habang nasa Pilipinas, magsasagawa ang mga tropang Italyano ng mga operasyong sibil-militar sa anyo ng “makataong aktibidad” tulad ng pag-oopera sa mga bata sa pasilidad medikal na nasa loob ng Cavour. Walang relasyong militar ang Italy at Pilipinas. Wala ring umiiral na kasunduan kaugnay sa presensya at operasyon ng mga tropa ng Italy sa loob ng Pilipinas.

Ang Italy ay bahagi ng North America Treaty Organization (NATO), ang armadong bisig ng US sa Europe. Ito ang pangalawang bansa sa NATO na nakisawsaw sa mga hidwaan sa South China Sea sa imbitasyon ng US. Bago nito, pinadalo ng US ang France sa isinagawa nitong Balikatan war games sa Pilipinas noong Abril-Mayo. Nasa 40% ng kalakalang panlabas ng Europe ay dumadaan sa SCS.

AB: Italy, makikisawsaw na rin sa South China Sea alinsunod sa kumpas ng US