Balita

Itigil ang pagphase-out ng mga dyip

Binatikos ng grupong PISTON ang rehimeng Marcos at mga ahensya nito sa pagpupumilit na ituloy ang programang modernisasyon ng mga dyip sa kabila ng malakas na pagtutol dito. Ito ay matapos ianunsyo ng LTFRB ang Memorandum Circular 013-2023 na nagtatakda ng dedlayn para sa konsolidasyon ng bagong mga prangkisa at pag-phase-out ng mga dyipni sa katapusan ng Hunyo.

Ang konsolidasyon ng mga prangkisa ay nagmumula sa dati nang kautusan ng Department of Transportation na palitan ang mga indibidwal na mga prangkisa ng mga drayber at opereytor at ipailalim sila sa isang “fleet management system.” Ang “maneydsment” na ito ang mangangasiwa sa pagpapatakbo ng minimum na 15 imported na minibus na siyang papalit sa mga dyip.

Sa nakaraang mga taon, tinutulan ng mga drayber at mga opereytor ang iskemang ito dahil wala silang kakayahan na bumili ng ipanghalili na mga sasakyan na nagkakahalagang ₱2.4 milyon hanggang ₱2.8 milyon. (Ang mga tradisyunal na dyip ay nagkakahalaga lamang ng ₱200,000 hanggang ₱600,000 kada isa.)

“Malinaw na palpak ang PUVMP kaya hanggang ngayon, marami pa ring operator ang tumatangging pumaloob dito at isuko ang kanilang mga prangkisa at kabuhayan dahil sa oras na isuko nila ang kanilang indibidwal na prangkisa, ‘pag di nila nakayanan ang bigat ng gastos ng modernization, wala na silang babalikang kabuhayan dahil wala na silang mga prangkisa, consolidated na,” ayon kay Mody Floranda, presidente ng PISTON.

Malinaw na ang iskemang ito ay para lamang makopo ng malalaking kumpanya ang seksyon ng transportasyon na pinatatakbo ng maliliit na mga may-ari at kanilang mga drayber. Tanging ang malalaking kumpanya na may kakayahang bumili ng 15 minibus ang hindi mababaon sa utang.

“Dapat nakabatay sa makatarungang transisyon ang anumang programa sa modernisasyon,” ayon sa Piston. Libu-libong drayber ang mawawalan ng trabaho dahil dito.

“Patuloy ang panawagan namin para sa modernisasyong nakabatay sa rehabilitasyon at pagkukumpuni ng mga lumang dyipni para maging mas malinis at mas komportable at para makapagpaunlad ng sarili nating industriya sa pagmamanupaktura at makalikha ng maraming trabaho sa milyun-milyong manggagawang walang pormal na trabaho, hindi yung sapilitang isinusupalpal sa maliliit na opereytor ang mga pagkamahal-mahal na imported minibus na itinatambak na nga dito sa bansa, wala pang direktang ambag sa ating ekonomya,” ayon kay Floranda.

AB: Itigil ang pagphase-out ng mga dyip