Kababaihang magbubukid, nagprotesta sa harap ng Department of Agriculture
Sa ika-14 na International Day of Rural Women (Pandaigdigang Araw ng Kababaihan sa Kanayunan), nagprotesta ang kababaihang magbubukid at kanilang mga tagasuporta sa harap ng Department of Agriculture sa Quezon City kaninang umaga. Pinamunuan ng grupong Amihan National Federation of Peasant Women ang pagkilos na nilahukan ng mga magsasaka mula sa Cavite, Bohol, Cebu, at isla ng Panay at mga organisasyong nakabase sa Metro Manila.
Nakiisa sa protesta ang kababaihang kasapi ng Gabriela, National Network of Agrarian Reform Advocates-Youth at iba pang mga grupong nagsusulong ng katiyakan sa pagkain at pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa, pagtataguyod ng kaunlaran sa kanayunan at pambansang industriyalisasyon.
Sa protesta, naglabas ng mahabang listahan ang kababaihang magbubukid kung saan nakasulat ang lumalaking gastos sa bahay at gastos sa bukid na pasan-pasan nila araw-araw.
Ayon sa Amihan, ang kabuuang gastos sa pagtatanim ng palay noong huling siklo ay ₱53,000 sa Nueva Ecija. Pangunahin dito ang napakamahal na pataba na nagkakahalaga ng ₱16,400 para sa urea at Triple 14. Anila, pinalubha ng nagdaang bagyong Karding ang kalagayan nila. Imbes na 100 sako, 30 sako lamang ang naani dahil sa tinamong pinsala ng mga palayan.
“Ginugunita ang araw na ito para kilalanin ang ambag ng kababaihan sa kanayunan…pero sa ngayon, nanatiling biktima ang sektor ng sistematikong kahirapan, kagutuman, at pang-aabuso, na pinalulubha ng nagpapatuloy na kawalan ng lupa, pang-aapi at pagsasamantala…” ayon kay Zenaida Soriano, pambansang tagapangulo ng Amihan.
Dagdag pa, nakararanas ng paninindak at pananakot ang kababaihang magbubukid na lumalaban para sa kanilang karapatan sa lupa. Biktima sila ng red-tagging, iligal na pag-aresto at detensyon, ekstrahudisyal na pagpaslang at samutsaring paglabag sa karapatang-tao. Mga halimbawa nito ang mga paglabag sa karapatang-tao sa mga magbubukid sa Lupang Ramos sa Cavite, Hacienda Tinang sa Tarlac, at mga sakahan sa Bataan, Isabela, Cagayan, Bohol, Bulacan at sa rehiyon ng Bicol.
Sawang-sawa na ang kababaihan sa kanayunan sa lahat ng kapabayaan at kapalpakan ng gubyerno. Patung-patong na kahirapan at kagutuman ang nararanasan ng mga ina at kababaihan dahil sa mga patakarang neoliberal sa agrikultura. Lugi na nga at baon sa utang dahil sa bagsak-presyong produkto, tuloy pa rin ang importasyon ng bigas, karne, gulay, asukal, at isda, wala pang ayuda para sa mga kababaihang magbubukid,” pahayag ng tagapangulo ng Amihan.
Ayon sa grupo, ang matagal nang sigaw ng mga magsasaka ay tunay na reporma sa lupa o libreng pamamahagi ng lupa, at ang sinserong pagpapaunlad sa kanayunan. Batid nilang ito ang tuntungan para sa pambansang industriyalisasyon na lubos na magpapaunlad sa bayan.
“(I)to ay laban ng mga magsasaka at laban nating lahat!” panawagan ng grupo.
Higit 70 ang bilang ng mga organisasyon at 90 indibidwal ang pumirma sa nagkakaisang pahayag na inilabas ng Amihan bilang paggunita sa International Day of Rural Women ngayong taon.
Kasabay ng protesta, naglunsad ng isang talakayan kaugnay sa krisis sa pagkain at pagtaas ng presyo ng mga bilihin ang kababaihang magsasaka sa Barangay Mabolo, Naga City sa rehiyon ng Bicol.