Kabataang magsasaka, dinukot ng 62nd IB sa Negros Occidental
Dalawang araw bago ang Pasko, walang renda sa paghahasik ng terorismo ang 62nd IB sa bayan ng La Castellana, Negros Occidental. Dinukot ng tropa ng 62nd IB ang kabataang masasaka na si Allan Paul Rayna mula sa bahay ng kanyang pamilya noong Disyembre 23 sa Sityo Tayubong, Barangay Puso. Hindi pa siya natatagpuan hanggang sa kasalukuyan.
Ayon sa ulat, sinugod ng 62nd IB ang bahay ni Tacio Rayna, ama ni Allan Paul, sa Sityo Tayubong bandang alas-12 ng madaling araw at doon siya dinampot. Hinalughog din ng mga sundalo ang bahay ng mga Rayna at pinalalabas na natagpuan dito ang isang .45 kalibreng pistola, mga magasin at bala. Labis ang pag-aalala ng pamilya Rayna sa kalagayan ng kanilang kanak.
Simula pa 2019, pinuperwisyo na ng 62nd IB ang pamilya Rayna. Paulit-ulit na pinararatangan ang pamilya na mga tagasuporta ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at sinisindak ng mga sundalo.
Kinundena ni Ka JB Regalado, tagapagsalita ng BHB-Central Negros, ang pagdakip kay Allan Paul at ang patung-patong na paglabag sa karapatang-tao ng pamilya Rayna. “Desperado at bigo ang AFP sa paghahabol sa CPP-NPA at karamihan sa mga pilit na pinasurender…sinampahan ng mga kasong kriminal, tinortyor, minasaker, at pinatay ay mga sibilyan,” ayon pa kay Ka JB.
Sa buong isla ng Negros, naitala ng Ang Bayan ang higit 345 kaso ng paglabag sa karapatang-tao sa nagdaang taon.