Kahit sa mababang pamantayan ng gubyerno, dumami pa rin ang naghihirap

Tumaas ang bilang ng mahihirap na pamilyang Pilpino sa pinabagong estadistika ng kahirapan na inilabas ng Philippine Statistics Authority kahapon, Agosto 15. Anito, halos 20 milyong pamilya ang “nabubuhay sa kahirapan” noong 2021, mas mataas nang 2.322 milyon kumpara sa 7.670 milyon noong 2018. Hindi man direktang sinabi ng mga upisyal ng gubyerno, inamin nilang ang paglala ng kahirapan ay idinulot ng mahihigpit at matatagal na lockdown na nagresulta sa kawalan ng trabaho at kita, gayundin ng nagtatagal na krisis sa malawakang disempleyo.

Sa inilabas na estadistika, tumaas rin ang tinatawag na “subsistence incidence” o ang bilang mga pamilyang di nakasasapat ang pagkain mula 3.4% noong 2018 tungong 3.9% noong 2021 (o mahigit kalahating milyong pamilya) Pito sa 17 rehiyon ay nagtala nang 20% at mas mataas pang “povery incidence.” Kalakahan ng mga ito ay nasa Visayas at Mindanao.

Sa datos ng PSA, itinuturing lamang na “mahirap” ang isang pamilyang may limang myembro kung hindi umaaabot ang kita nito sa ₱12,030 kada buwan. (Ito ang tinatawag na “poverty threshold” o sukatan ng pagiging mahirap.)

Kinutya ng marami ang pamantayang ito na anila’y napakababa at lutang sa reyalidad. Alinsunod dito, kailangan lamang ng isang indibidwal ng ₱2,406 kada buwan (o ₱80 kada araw) para sa lahat ng kanyang pangangailangan. Para sa pagkain, kailangan lamang diumano ng isang Pilipino ng ₱1,676 kada buwan o ₱54.06 kada araw (₱18.02 kada kainan) sa loob ng 30 araw. (Ang remedyo dito ng maraming pamilya ay kumain nang isa o dalawang beses na lamang kada araw.)

Sa gayon, kakailanganin lamang daw ng isang 5-kataong pamilya ng ₱8,379 kada buwan para sa kanilang pagkain. Ang natitirang balanse (₱3,600) ay para sa lahat ng iba pang pangangailangan tulad ng upa sa bahay, pamasahe, bayad sa kuryente at tubig, bayad sa pagpapaeskwela at gamot (kung may nagkasakit), damit at sapatos, pagkumpuni ng mga sira sa bahay at gamit, sabong panlaba at panligo at shampoo at iba pang batayang pangangailangan. Inalis ng PSA sa kwenta nito ang gastos pangliwaliw (rest and recreation), bisyo (alak at sigarilyo) at matitibay na kagamitan (durable furniture and equipment).

Pansin ng mga pumupuna rito, animo’y ipinagkasya ang “poverty threshold” sa minimum na sahod sa NCR na ₱547/araw (₱12,034 para sa 22 araw ng paggawa kada buwan). Ito ay upang bigyang-matwid ang plano ng estado na ipako ang sahod ng mga manggagawa at palabasing nakaaagapay pa naman ang mga Pilipino sa hirap ng buhay.

Mga patakarang anti-mamamayan

Ayon sa grupong Anakpawis, ang gayong paglala ng kahirapan ay dulot ng anti-mamamayan na mga patakaran ng rehimeng US-Duterte sa nakaraang anim na taon at ngayon ay ipinagpapatuloy ng rehimeng Marcos.

“Sino ang makakalimot sa TRAIN law, todong oil deregulation, Rice Liberalization Law at todong import liberalization, barat na sahod at kawalang ayuda sa mahihirap na pamilya, laluna noong lockdown, habang ang oligarkiya o iyong mga tinaguriang richest (pinakamayayaman) sa bansa, ay lalong lumalaki ang yaman, tulad ng pamilyang Sy at dating senador Manny Villar,” pahayag ni Ariel Casilao, dating kinatawan ng Anakpawis Party-list at kasalukuyang presidente nito.

Ayon sa grupo, noon pang Enero 2020 ay tumataas na ang presyo ng pagkain dulot ng dagdag na mga buwis bunga ng Train Law.

“Ang anumang (buwis) sa produktong langis ay siguradong inflationary na trigger (o magbubunsod) ng pagtaas pa ng presyo ng ibang produkto. Ito nga ang naramdaman natin sa kasalukuyang walang tigil ang pagtaas ng presyo ng langis. Kaya, habang naghihirap ang mamamayan dito, panay naman ang kubra ng gubyerno, na hindi naman natin malaman kung saan napupunta dahil panay ngayon ang expose ng mga anomalya na bilyun-bilyong pisong public funds ang involved,” bwelta ni Casilao. Noong Hulyo, tumaas na tungong 7.1% ang tantos ng implasyon ng pagkain.

Binatikos din niya ang Rice Trade Liberalization law na aniya’y makasaysayang nagpabagsak sa kabuhayan ng mga magsasaka at sa industriya ng palay at bigas. Umabot sa ₱165 bilyona ng tinatayang nalugi sa mga magsasaka mula 2019 hanggang 2020 dahil dito.

Lahat ng mga subsektor ng agrikultura ay pinabayaan ng estado, aniya, kabilang ang mga pangisdaan, hayupan, gulayan at tubuhan na ngayon ay namemeligro dahil sa mabababang ani na bunga ng napakataas na gastos sa produksyon.

“Kahit pa sabihin ng gubyerno na maliit ang poverty incidence sa Metro Manila at sa mga highly urbanized cities, milyun-milyon at mayorya pa rin ang mga magsasaka sa bansa, kaya kung mahirap sila, siguradong tataas ang poverty incidence (tantos ng kahirapan),” ani Casilao.

AB: Kahit sa mababang pamantayan ng gubyerno, dumami pa rin ang naghihirap