Balita

Kaligtasan sa lugar sa trabaho, muling ipinanawagan

Muling nanawagan ang mga manggagawa na kaagad ipatupad ang mga pamantayan sa kaligtasan sa mga lugar sa trabaho. Ito ay matapos isang manggagawa ang namatay at 10 ang nasugatan matapos bumigay noong Martes ang pundasyon ng itinatayong scaffolding sa isang construction site sa Quezon City.

Bahagi ang naturang manggagawa ng isang housing project na matatagpuan sa Sto. Cristo Street, Barangay Balingasa sa nabanggit na syudad. Kinilalal ang namatay bilang residente ng Barangay Baesa ang 45-taong gulang na si Francis Anzures.

“Patunay ang insidente na nagpapatuloy pa rin ang krisis sa kaligtasan sa lugar-paggawa,” ayon sa Tambisan sa Sining, isang grupong pangkultura ng mga manggagawa, sa isang pahayag kahapon.

Tumampok ang usapin ng kaligtasan sa lugar ng paggawa ilang buwan na ang nakaraan matapos mamatay si Stephen Corilla habang nagtratrabaho sa Universal Robina Corp noong Hunyo 2.

Ayon sa grupo, marapat lamang na dinggin ng DOLE at gobyerno ang panawagan ng mamamayan para sa ligtas na lugar-paggawa at kagyat na isabatas ang pagkriminalisa sa paglabag sa mga pamantayan sa kaligtasan.

AB: Kaligtasan sa lugar sa trabaho, muling ipinanawagan