Kampanya para sa charter change, mariing kinundena ng mga grupong pambansa-demokratiko
Mariing kinundena ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan ang tangkang baluktutin ang kasaysayan sa isang patalastas na ipinalalabas ngayon sa mayor na mga network ng telebisyon. Sa patalastas na ito, minaliit at siniraan ang Pag-aalsang Edsa noong 1986 at isinisi sa Konstitusyong 1987 ang mga kinakaharap na problema ng Pilipinas sa ngayon.
“Ang mga usaping kinakaharap ng bansa matapos ang 1986 ay walang kinalaman sa Konstitusyon kundi mas sa tipo ng sistemang pinaghaharian ng mayayaman at mga dayuhan na namamayani hanggang sa ngayon,” pahayag ng Bayan sa noong Enero 10. Tinukoy ng grupo bilang mga problema ang paghahari pa rin ng malalaking panginoong maylupa, kurakot na burukrata, mga dinastiya sa pulitika at dayuhang panghihimasok.
Dagdag ng grupo, ang nais itulak na pagbabago sa Konstitusyong 1987 ay walang pakay na lutasin ang mga problemang ito, kundi dahil pa sa pagpapalakas sa interes ng naghaharing uri na matagal nang nagpapanatili sa Pilipinas na mahirap at di maunlad.
“Ang mga nagtutulak ng charter change ay yaong nakabenepisyo na sa mga patakarang neoliberal sa ekonomya, na balak palawakin pa sa pamamagitan ng charter change,” ayon sa grupo. “Magbebenepisyo dito ang malalaking negosyo at burukrata-kapitalistang nandarambong sa ating mga rekurso.”
Kasabay ng pag-ere ng patalastas ang paglaganap ng isang petisyon para sa charter change na pinapipirmahan ng mga meyor sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. Layunin nitong mangalap ng mga pirma sa balangkas ng “people’s initiative” para magsingit ng isang probisyon para maging mas madali ang pagbabago sa konstitusyon.
Alinsunod sa batas, kailangang makakalap ng mga pirma ng 3% ng mga botante sa kada distrito para magkaroon ng bisa ang petisyon. Ayon sa mga balita, binabayaran ng tig-₱100 ang sinumang pipirma sa petisyon.
Sa Visayas, nakatanggap ang Bayan-Negros ng mga ulat na pinapipirma ang mga botante kapalit ng pondo ng programang TUPAD o AICS. Anito, pinopondohan ng meyor ng Bacolod na si Albee Benitez ang kampanya sa pagpapapirma, gamit ang mga upisyal ng barangay at purok. Inoobliga umano ang mga ito para abutin ang “kota.” Pinangangakuan ang mga pipirma ng mga “benepisyo” ng kampanya at hindi malinaw na ipinaliliwanag ang layunin ng petisyon. Ayon sa grupo, mayorya ng mga pumirma ay hindi nakaaalam na charter change na ang kanilang sinang-ayunan.