Kampo ng 4th IB sa Oriental Mindoro, pinaputukan ng BHB

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Pinaputukan at binulabog ng mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukong Bayan (BHB)-Mindoro (Lucio de Guzman Command) ang mga sundalo ng 4th IB na nasa kampo militar nito sa Sityo Sigao, Barangay Lisap, Bongabong, Oriental Mindoro noong Mayo 20, alas-9 ng umaga. Nakakampo ang mga sundalo sa naturang sityo at nagpapataw ng batas militar na paghahari mula pa 2022.

“Tugon ito sa matagal nang panawagan ng mamamayan laluna ng mga katutubong Buhid na parusahan ang mga pasistang sundalo sa paghahasik nito ng teror at bigyang hustisya ang mga biktima nito ng paglabag sa karapatang pantao,” pahayag ni Ka Madaay Gasic, tagapagsalita ng hukbong bayan sa isla.

Dalawang taon nang iniinda ng mga residente ng Sityo Sigao at karatig na mga lugar sa Bongabong ang walang patid na pang-aabuso at mga krimen ng 4th IB. Kabilang sa naiulat na mga kaso ang sapilitan at pekeng pagpapasuko, pang-aabuso at panggagahasa sa mga kababaihan, pagkakampo sa gitna ng mga pamayanan at paulit ulit na pandarahas sa mga katutubong Buhid. Matingkad na insidenteng kinaharap ng mga mamamayan dito ang pambobomba ng FA50, panganganyon at pang-iistraping noong Pebrero 2022.

Isa ang Barangay Lisap sa mga lugar na idineklarang prayoridad ng National Task Force (NTF-Elcac) sa isla ng Mindoro simula pa 2019. Isinagawa ang Retooled Community Support Program (RCSP) sa Sityo Rimas, katabi ng Sityo Sigao mula Agosto 2020 at buong taon ng 2021.

“Panawagan at hamon ang opensibang ito sa lahat ng yunit sa ilalim ng BHB-Mindoro na ilunsad ang mga taktikal na opensiba laban sa 203rd Brigade at PNP-MIMAROPA, ang haligi ng pasismo ng reaksyunaryong estado sa Mindoro,” pahayag ni Ka Madaay.

Ayon pa sa kanya, higit na makatarungan ang pagsusulong ng armadong pakikibaka sa harap ng tumitinding maduming kontra-insurhensyang digma ng rehimeng US-Marcos II at armadong pwersa nito.

AB: Kampo ng 4th IB sa Oriental Mindoro, pinaputukan ng BHB