Karagdagang alawans para sa kagamitan sa pagtuturo, naipanalo ng mga guro

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Matapos ang maraming taon, naipanalo ng mga pampublikong guro ang kanilang pakikibaka para dagdagan ang badyet na nakalaan sa mga kagamitan sa pagtuturo. Inianunsyo ng ACT Teachers Partylist ngayong araw na nagkabisa na ang Kabalikat sa Pagtuturo Act. Simula 2025, makatatanggap na ang mga guro ng ₱10,000 na badyet mula sa dating ₱5,000.

Noong pang 2011 unang ipinanukala ng partido ng mga guro ang karagdagang badyet. Sa suporta ng mga guro, tuluy-tuloy at walang-maliw na iginiit ito ng ACT Teachers Partylist sa kada Kongreso na naluklok ito.

Ipinasa sa ikatlong pagdinig sa Senado ang panukala noong Mayo 2023 habang noong Disyembre 2023 sa House of Representatives. Napinal naman ang panukala sa bisa ng bicameral conference noong Marso 2024. Naisumite sa Malacañang ang panukala noong Mayo 3. Isasagawa ang seremonya ng pagpirma sa naturang batas sa Hunyo 3.

Noong Mayo 28, binalaan ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) si Marcos laban sa pagbabasura sa panukala. Ayon kay Vladimer Quetua, pangulo ng ACT, labis itong ikagagalit ng mga guro. Noong huling bahagi ng 2022, una nang ibinasura ni Marcos ang panukalang nagtatanggal sa buwis sa alawans at honoraria ng mga gurong nagsilbi sa eleksyon.

Pinagpugayan naman ng ACT Teachers Partylist ang lahat ng mga gurong nakipaglaban para sa dagdag na alawans. “Hindi natin maaabot ito kundi dahil sa tulong ng mga nagsama-samang guro na kumilos para ipaglaban ang kanilang sahod at benepisyo. Sa inyo ang tagumpay na ito, teachers!” pahayag ng partido.

Kasunod ng kanilang tagumpay, hinimok ng ACT ang mga kapwa guro na tuluy-tuloy na makibaka para sa dagdag-sweldo. Giit nilang itaas tungong ₱50,000 ang entry-level na sweldo para sa mga guro, ₱33,000 para sa mga Salary Grade 1 na empleyado, at ₱39,672 o SG16 para sa mga Instructor 1 sa mga state universities and colleges.

AB: Karagdagang alawans para sa kagamitan sa pagtuturo, naipanalo ng mga guro