Kaso laban sa babaeng lider-magbubukid sa Negros, ibinasura ng korte

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Ikinagalak ng kapamilya, mga kagrupo at tagapagtanggol ng karapatang-tao ang pagbasura ng korte noong Hulyo 10 sa isinampang mga kaso laban kay Imelda Sultan, lider ng National Federation of Sugar Workers (NFSW) sa Escalante City.

Inaresto si Sultan, kasama ang myembro ng NFSW na si Lindy Perocho, noong Nobyembre 1, 2019, gamit ang isang depektibong search warrant na galing sa upisina ni Cecilyn Burgos-Villavert ng Quezon City Trial Court. Si Sultan ang huling nakalaya sa 57 aktibista sa Negros na di makatarungang nakulong dulot ng mga warrant ng naturang husgado.

Kasong illegal possession of fireams at explosives ang ikinaso laban kina Sulat at Perocho. Unang nakalaya si Perocho nang ibasura ang kanyang kaso noong Marso. Halos limang taon silang nagdusa sa kulungan dahil sa gawa-gawang mga kaso.

Ayon sa Karapatan, umabot sa 76 depektibong mga search warrant ang ipinalabas ni Burgos-Villavert na nagresulta sa iligal na mga pang-aaresto at detensyon ng napakaraming mga aktibista mula 2018 hanggang 2020. Sa panahong ito, tinawag ang upisina ng husgado bilang “pabrika ng search warrant.”

Natigil ang mga search warrant na ito matapos ibasura ng Korte Suprema noong Hulyo 21 ang isang sirkular (A.M No. 03-8-02-SC) na nagpapahintulot sa mga husgado tulad ni Burgos-Villavert na maglabas ng mga search warrant labas sa kanilang rehiyon.

Noong Mayo, ipinanawagan ng mga grupo sa karapatang-tao na idiskwalipika siya sa anumang mas mataas na pusisyon sa hudikatura nang lumabas ang kanyang pangalan sa listahan ng itatalaga sa Court of Appeals.

AB: Kaso laban sa babaeng lider-magbubukid sa Negros, ibinasura ng korte