Mangingisda at kabataan, naglayag sa ika-8 anibersaryo ng 2016 arbitral ruling sa West PH Sea
Naglunsad ng fluvial parade o parada sa dagat ang mga mangingisda at kabataan sa Subic, Zambales noong Hulyo 12 para gunitain ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) noong 2016 hinggil sa karapatang pandagat at rekurso sa mga bahagi ng West Philippine Sea na usapin sa pagitan ng Pilipinas at China. Nagsagawa rin ng pagkilos ang kabataan sa konsulado ng China sa Makati City sa araw na iyon para irehistro ang pagsuporta sa desisyon ng internasyunal na korte.
Sa parada sa Zambales, na pinangunahan ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya), nagdala ng mga istrimer ang mga mangingisda at kabataan, at watawat ng Pilipinas. Nagpakita rin sila ng malaking bersyon ng unang pahina ng desisyon ng PCA noong 2016.
Sa desisyon ng korte, pinawalang-saysay nito ang pag-angkin ng China sa kabuuan ng South China Sea, kabilang ang malaking bahagi ng West Philippine Sea, sa ilalim ng sinasabi nitong “9-dash line.” Pinagtibay din ng korte ang soberanong karapatan ng Pilipinas sa 200 nautical miles (370 km) mula sa baybayin ng bansa na itinuturing na exclusive economic zone (EEZ). Itinakda ito sa ilalim ng 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Isinaad rin sa desisyon na ang Scarborough Shoal (Panatag Shoal) ay isang komun na pangisdaan na pinagsasaluhan ng tradisyunal o maliliit na mangingisdang Pilipino, Vietnamese at Chinese. Nangangahulugang hindi pupwedeng pigilan ang mga mangingisdang Pilipino na pumasok at mangisda doon. Ito ay bahagi rin ng EEZ ng Pilipinas.
Pinuna rin ng desisyon ang China sa labag sa batas na pagharas nito sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas na naglalayag sa EEZ at isa itong paglabag sa soberanong karapatan ng bansa. Idiniin nito ang pagsira ng China sa kalikasan ng ilang bahagi ng West Philippine Sea dahil sa isinagawa nitong mga proyektong reklamasyon sa lugar para magtayo ng artipisyal na mga isla.
Ayon sa Pamalakaya, walong taon na mula nang [naglabas ng desisyon] ang PCA, ngunit hindi pa rin lubos na nakontrol at nagagamit ng Pilipinas ang yamang dagat dito. Pagdidiin nila, mahalagang mapayapa at diplomatikong itulak ng mga patriyotikong Pilipino ang soberanong karapatan natin sa EEZ.
“Maraming paraan para gawin ito, at isang tuluy-tuloy na pagkampanya at pagpopularisa sa arbitral ruling dito sa bansa at sa ibayong dagat,” pahayag ni Joey Marabe, koordineytor ng Pamalakaya-Zambales. Nanawagan rin siya sa mga kapwa Pilipino na magkaisa para sa mapayapang pag-aayos sa usapin para pahupain ang mga tensyon sa karagatan.
Ang pagkilos sa konsulado ng China ay pinangunahan ng Youth for Justice and Peace, isang alyansa ng kabataang estudyante, taong-simbahan at iba pang grupong tumitinding laban sa mga gerang agresyon ng US sa Asia-Pacific. Nagsagawa sila ng protestsa sa konsulado dahil naniniwala ang grupo na ginagamit ng US ang isyung ito para magpataw ng hegemonya at makialam sa mga usapin ng Pilipinas.
“Dapat nating pigilan ang mga nang-uudyok ng gera sa loob n gubyerno ng Pilipinas at ang United States sa pagpapatindi ng mga tensyong ito tungo sa isang todong-gera,” pahayag ni Ysabelle Briones, tagapagsalita ng grupo.
Pinatutungkulan ni Birones ang mga “supply mission” ng Armed Forces of the Philippines at Philippine Coast Guard, sa tulong ng militar ng US, na ginagawa para upatin ang China. Pinatindi pa umano ito ng mga war games at ehersisyong militar ng US at mga alyadong bansa sa teritoryo ng Pilipinas.
“Sa harap ng mga pangyayaring ito sa West Philippine Sea, mayroong lubos na pangangailangang itulak ang mapayapang resolusyon sa mga tensyon na bunga ng matagal nang maritime dispute na ito,” pagdidiin ni Briones.