Kasong human trafficking laban sa datu, 2 guro, ibinasura

,

Ibinasura ng Regional Trial Court (RTC) Branch 2 sa Tagum City, Davao del Norte noong Hunyo 20 ang kasong human trafficking laban kay Datu Benito Bay-ao, at mga gurong sina Chad Booc at Gelijurain Ngujo II. Inutos din ng korte ang agad na pagpapalaya kay Bay-ao na nakakulong sa Davao del Norte Provincial Center. Sina Booc at Ngujo kasama ang tatlong iba pa ay minasaker ng mga sundalo ng 10th ID sa Barangay Andap, New Bataan, Davao de Oro noong Pebrero 24, 2022.

Ang kasong human trafficking ay mula sa pagsama ni Datu Bay-ao, gayundin nina Booc at Ngujo, sa mga estudyanteng Lumad sa Cebu noong Mayo 2021. Ayon sa korte, hindi napatunayan ng nag-akusa na ang pagsama ni Datu Bay-ao sa mga estudyante ay para palahukin sila sa armadong mga aktibidad ng Bagong Hukbong Bayan, at sa halip, ay simpleng sinasamahan lamang niya ang mga bata.

Ikinagalak ng mga abugado ni Bay-ao na mula sa Union of People’s Lawyers in Mindanao (UPLM) ang pagbabasura ng kaso na nagpapatunay ng kawalang-sala ni Bay-ao.

“Ang tagumpay na ito ay hindi lamang para kay Datu Bay-ao kundi para rin sa lahat ng naghahangad ng hustisya laban sa gawa-gawang akusasyon at inhustisya ng sistema,” ayon sa UPLM. “Ang pagbabasura (ng kaso) ay paalala sa kapangyarihan ng kolektibong pagsisikap para magkamit ng hustisya.”

Ayon naman sa Gabriela Southern Mindanao, malinaw na ang kaso ay para gipitin si Datu Bay-ao lalupa’t kilala siyang tagapagtanggol at kinatawan ng sektor ng mga Lumad na malaon nang pinababayaan ng estado.

AB: Kasong human trafficking laban sa datu, 2 guro, ibinasura