Kasong "terorismo" laban sa 34 aktibista, ibinasura
Ibinasura noong Setyembre ng Malolos Regional Trial Court ang kaso ng “terorismo” na isinampa ng 84th IB laban sa 34 lider-masa at aktibista. Kabilang sa mga kinasuhan sina Nathanael Santiago na pangkalahatang kalihim ng Makabayan, Anasusa San Gabriel, Servillano Luna ng Anakpawis, at mga tagapagtanggol ng karapatan sa paggawa na sina Ed Cubelo at Rodrigo Esparago.
Inilabas ng korte ang isang “joint order” bilang tugon sa apat na petisyong inihain ng mga abugado ng mga akusado. Isa sa mga petisyong ito ay isinampa ng mga abugado nina Cubelo at Esparago sa mismong araw na iyun. Dahil ibinasura na ang mga kaso, ipinawalambisa na rin ng korte ang mga warrant of arrest sa mga akusado.
Ayon sa korte, hindi sapat ang ebidensya na isinumite ng militar laban sa mga akusado. Ni hindi nito napatunayan na “nasa lugar at hawak ng 34 inakusahan nito ang sinasabing mga bala, eksplosibo at ibang armas sa engkwentro noong Oktubre 8, 2023 at na nagsabwatan silang lahat para makipagbarilan sa mga myembro ng 84th IB na nagresulta sa pagkamatay ni PFC Casayuran.” Hindi rin napatunayan ng 84th IB na ang pinangalanan nilang 34 indibidwal ay kasama sa sinasabi ng 84th IB na “20 armadong indibidwal” na nakipagbarilan sa naturang engkwentro.
“Malaking tagumpay para sa mga progresibo ang pagbabasurang ito sa harap ng paggamit ng estado ng batas laban sa mga aktibista,” pahayag ni Renato Reyes ng Bayan.
“Dapat mas mariin ang mga sangsyon sa pag-aabuso sa Anti-Terror Law,” ayon kay Atty. Kristina Conti, isa sa mga abugado ng mga akusado. “Tinukoy sa desisyon ng Malolos Regional Trial Court Branch 12 ang malalalang factual at ligal na kamalian sa isinampang mga kaso, na nagpapatunay lamang na hindi na dapat inaprubahan ng mga prosekyutor (ang pagsasampa ng kaso) at di dapat isinampa ang mga ito ng militar.”
Umaabot na sa 112 indibidwal ang sinampahan ng gawa-gawang mga paglabag sa Anti-Terrorism Law at Terrorism Financing Prevention and Suppression Act, ayon sa Karapatan.