Balita

Kita ng US sa mga imperyalistang gera at agresyon, lomobo nang 16% noong 2023

,

Lumobo nang 16% ang supertubo ng industriyang militar ng US noong 2023 dulot ng inilulunsad nitong imperyalistang gera at agresyon, pangunahin sa gerang proxy nito laban sa Russia sa Ukraine. Tumabo ng $238 bilyon ang mga Amerikanong kumpanyang gumagawa ng armas noong nakaraang taon, ayon mismo sa Department of State ng US sa pahayag nito noong Enero 30. Ang $81 bilyon dito ay direktang benta ng gubyerno ng US sa Ukraine.

Liban sa Ukraine, tumaas ang benta ng US sa mga alyado nito sa NATO sa Europe. Pinakamalaki ang benta nito sa Poland, na katabi lamang ng Ukraine. Kabilang sa mga ibinenta nito sa bansa ang mga helikopter ($12 bilyon) at High Mobility Artillery Rocket System o HIMARS ($10 bilyon.) Nagbenta rin ito ng mga helikopter sa Germany ($8.5 bilyon) at Norway ($1 bilyon.) Sa panahon ding ito, ang mga bansang ito ay “nagbenta” ng kanilang lumang mga armas sa Ukraine.

Ang mga gamit na ito ay regular na idinidisplay ng US sa mga war games nito sa Pilipinas para paglawayan ng tutang AFP, at kabilang sa mga inilalako ng US sa Pilipinas sa mga pulong ng Security Engagement Board sa ilalim ng Mutual Defense Treaty. Pinagtibay kamakailan ni Marcos ang plano ng AFP na gumastos ng ₱1 trilyon sa susunod na sampung taon para sa “modernisasyon.”

Liban sa mga nabanggit, bumili ng dagdag na armas ang mga alyado ng US sa Asia tulad ng South Korea ($5 bilyon) at Australia ($6.3 bilyon) bilang bahagi sa kanilang “pakikipag-alyansa” laban sa China.

Dagdag sa luma at bagong mga armas, malaki rin ang naibenta ng US na mga pyesa, makina at serbisyo sa mga bansang ito.

Pinakamalaki sa mga kumita ang Lockheed Martin na nagsusuplay ng mga Javelin anti-tank missiles, HIMARS at mga rocket nito, at samutsaring misayl; General Dynamics na nagbebenta ng mga tangke at artileri; at Northrop Grumman na tumabo sa pagbebenta mga rocket, bala at ibang gamit militar.

Mahigpit na katuwang ang mga kumpanyang ito sa mga krimen sa digma at henosidyo ng US at Israel sa Palestine.

Tuluy-tuloy na lolobo ang kita ng mga kumpanyang ito sa harap ng panunulsol ng US ng gera laban sa China, nagpapatuloy na gera sa Ukraine at pinalalawak na imperyalistang agresyon sa Middle East.

AB: Kita ng US sa mga imperyalistang gera at agresyon, lomobo nang 16% noong 2023