Balita

Koalisyong kontra-chacha, binuo sa Panay

,

Nagtipun-tipon sa isang porum sa Iloilo City ang iba’t ibang mga grupo at personahe noong Pebrero 20 para itatag ang koalisyon sa rehiyon ng Panay na lalaban sa isinusulong na charter change o “chacha” ng rehimeng Marcos. Dumalo sa pagtitipon at nagsilbing panauhing pandangal sina Atty. Neri Colmenares ng Bayan Muna Partylist, at Bishop Gerardo Alminaza, tumatayong Jaro Auxiliary Archbishop at obispo ng Diocese of San Carlos sa Negros Occidental.

Sa pagtatapos ng porum, inianunsyo ng No to Charter Change Coalition-Panay ang ilulunsad nitong protesta sa darating na Pebrero 25 bilang paggunita sa Pag-aalsang EDSA at paglaban sa “chacha.” Ayon sa grupo, magkakaroon ng isang misa sa Jaro Cathedral sa umaga bago ang martsa tungong Iloilo Provincial Capitol para sa protesta.

“Isinusulong nila ang chacha para tanggalin ang proteksyunistang ekonomya sa Konstitusyon, itulak ang pagpapalawig ng termino at unicameral na lehislatura, at tanggalin ang ilang maka-mamamayang probisyon sa Konstitusyon,” pahayag ni Atty. Colmenares. Giit niya, mahalaga ang pagkakaisa ng mamamayan ng Panay at buong bansa para pigilan ang “chacha” ni Marcos.

Samantala, ipinahayag naman ni Bishop Alminaza ang kanyang pangarap sa bayan na makatarungan at matagalang kapayapaan, at naniniwala siyang hindi ito matutugunan ng “chacha” sa halip ay pahihirapan pang lalo ang bayan na ito’y makamtan. Aniya, patitindihin lamang ng “chacha” ang pag-aalsa ng masa at maging ang armadong rebelyon sa bansa dahil pababagsikin nito ang umiiral nang mga ugat ng rebolusyon.

Aniya, kabilang sa mga usaping ito ang kahirapan, inhustisya, hindi pagkakapantay-pantay, korapsyon, dinastiya at hindi sapat na mga serbisyong panlipunan mula sa lokal at pambansang gubyerno.

AB: Koalisyong kontra-chacha, binuo sa Panay