News

Kontra-neoliberalismo na “milenyal” ang bagong presidente ng Chile

Nanalo si Gabriel Boric, isang 35-taong gulang na dating lider-estudyante, sa pangalawang serye ng eleksyong pampresidente sa bansang Chile noong Disyembre 19. Tinalo niya si José Antonio Kast, isang kongresista na kilalang tagapagtanggol ng pasista at neoliberal na mga patakaran ng dating diktador na si Augosto Pinochet.

Tumakbo si Boric sa platapormang kontra-neoliberalismo. Tinagurian niya ang kanyang sarili bilang isang “moderate socialist” o “katamtaman sosyalista.” Ganito rin ang paglalarawan sa dating presidente ng bansa noong dekada 2010 na si Michelle Bachelet, ang kasalukuyang UN High Commissioner for Human Rights. (May mahabang kasaysayan ang Chile ng pamunuang patriyotiko at anti-US. Noong dekada 1960, pinamunuan ito ni Salvador Allende, ang tinaguriang “unang Marxista” na nahalal pagkapresidente sa Latin America. Kinudeta siya ni Pinochet noong 1973. Naghari si Pinochet ang Chile sa pamamagitan ng batas militar hanggang 1990. Sa ilalim ng kanyang hunta ipinatupad ang pinakamasasahol na patakarang neoliberal at naganap ang laganap na pamamaslang at iba pang paglabag sa karapatang-tao ng mamamayang Chilean.)

Sa kabilang banda, inihahalintulad si Kast sa “maka-Kanang” dating presidente ng US na si Donald Trump at kasalukuyang presidente ng Brazil na si Jair Bolsonaro dulot ng mga kontra-imigrant at maka-“malayang pamilihan” niyang tindig.

Nakuha ng koalisyon ni Boric ang 56% boto ng mamamayang Chilean, kontra sa 44% na nakuha ni Kast. Malaking bahagi ng malawak na koalisyon na ito ang partido komunista sa Chile. (Dati ring sinuportahan ng partidong ito si Bachelet.) Sa unang serye ng eleksyon na ginanap noong Oktubre, tinalo ni Kast si Boric nang 2% pero hindi niya naabot ang mayorya kung kaya ginanap ang pangalawang serye ng botohan.

Produkto ng kilusan para sa libre at dekalidad na edukasyon si Boric. Isa siya sa mga namuno sa kilusang estudyante noong 2011 na nanawagan para sa pagtatapos ng “komodipikasyon, pagkakawatak-watak at di pagkakapantay-pantay ng sistemang edukasyon.” Mahigpit na nakaugnay ang kilusang estudyanteng ito sa kilusang manggagawa na nagtulak ng pagtatapos sa mga patakarang neoliberal sa paggawa.

Noong 2019, sumiklab ang kilusang anti-neoliberal sa Chile nang itaas ang pamasahe sa pribatisadog sistema ng tren. Sa muling pagbwelo ng kilusan, naigiit ng mamamayan sa isang reperendum noong 2020 ang pagbabago sa konstitusyon ng bansa na binalangkas sa panahon pa ng diktadurang Pinochet at lubhang pumapabor sa mga pribadong sektor sa kapinsalaan ng mamamayan. Ang Chile ang isa sa “pinakamayamang bansa” sa Latin America, pero ito rin ang may pinakamalaking agwat sa pagitan ng pinakamayayaman at pinakamahihirap. Kilala ito bansang unang nagpatupad ng mga patakarang neoliberal noong dekada 1970 sa pangunguna ng mga ekonomistang nag-aral sa US.

Kabilang sa mga ipinangako ni Boric sa kanyang kampanya ang kagyat na pagpapatigil sa malawakang pagmimina ng tanso bilang bahagi ng paglaban sa climate change. (Ang Chile ang pinakamalaking prodyuser ng tanso sa buong mundo.) Ipinangako rin niya ang pagsasabansa ng pribadong sistemang pensyon at maraming serbisyong sosyal sa lipunang Chilean. Modelo niya ang mga estadong “social welfare” sa Europe.

AB: Kontra-neoliberalismo na “milenyal” ang bagong presidente ng Chile