Balita

Kontra-salaysay ng mga aktibistang akusado ng "terorismo," inihain sa korte sa Nueva Ecija

Naghain ng kontra-salaysay ang apat na aktibistang inakusahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ng “terorismo” o paglabag sa Anti-Terrorism Act of 2020 sa Bulwagan ng Katarungan sa Cabanatuan, Nueva Ecija ngayong araw, Mayo 3. Sinabayan ito ng piket ng mga tagapagtanggol sa karapatang-tao at mga organisasyong masa sa harap ng naturang bulwagan. Sinampahan ng kasong “terorismo” sina Nathanael Santiago, Anasusa San Gabriel, Rosario Brenda Gonzales, at Servillano Luna, Jr.

Ayon sa naunang pahayag ng Karapatan, hindi nagkaroon ng pagkakataong magprisinta ng ebidensya ang mga akusado dahil hindi sila nakatanggap subpoena o ng anumang abiso. Naglabas rin ng resolusyon ang piskal nang hindi nadidinig ang kanilang panig.

Ang apat na akusado ay aktibong mga kasapi ng mga organisasyong nagtataguyod sa karapatan ng mahihirap at inaapi. Si Santiago ay kasalukuyang Secretary General ng Bayan Muna Partylist simula pa noong 2000 at nagsisilbi rin ngayong Secretary General ng Koalisyong Makabayan simula nang itatag ito noong 2009. Kabilang siya sa mga nagpetisyon sa Korte Suprema laban sa Anti-Terrorism Act of 2020.

Samantala, si San Gabriel ay boluntir ng Bulacan Ecumenical Forum (BEF) simula pa 2017 at naging katuwang ng mga komunidad at organisasyon sa pagtatanggol sa kabuhayan at karapatan ng mga apektado ng mga proyektong reklamasyon at pangkaunlaran sa Manila Bay. Si Gonzales ay convenor ng Assert Socio-economic Initiatives Network (ASCENT) habang si Luna ay upisyal ng Anakpawis Partylist.

From left to right: Nathanael Santiago, Anasusa San Gabriel, Servillano Luna Jr, Rosario Brenda Gonzales (Photo from Bayan Facebook Page)

“Ang pagsasampa ng gawa-gawang mga kaso, kasabay ng taktika ng red-tagging, ay lumilikha ng toxic (may lason) na kaayusan na nagsasantabi sa mga prinsipyo ng hustisya at karapatang-tao,” pahayag ng Bayan Muna. Kinundena nila ang kasuklam-suklam na mga taktikang ito at iginigiit na wakasan ang panggigipit at pang-uusig sa mga aktibsita at myembro ng pampulitikang oposisyon.

Panawagan ng mga grupo ang pagbasura ng mga gawa-gawang kaso laban sa mga aktibista at ng mismong Anti-Terrorism Act of 2020 na siyang ginagamit ng gubyerno para pigilan ang mga progresibong grupo at mga indibidwal na ipaglaban ang kanilang mga karapatan.

Idinadawit sa armadong engkwentro

Ibinatay ang kasong “terorismo” sa apat na aktibista sa pagdadawit ng AFP sa kanilang mga pangalan sa naganap na engkwentro sa pagitan ng 84th IB at Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Barangay San Fernando Sur, Laur, Nueva Ecija noong Oktubre 8, 2023. Ang naganap na engkwentro noong Oktubre 2023 ay inako ng BHB-Nueva Ecija.

Sa kanilang pahayag, hindi bababa sa apat na sundalo ng 84th IB ang napaslang habang maraming iba pa ang nasugatan. Ang mga sundalo ng 84th IB ay nag-ooperasyon sa mataong lugar at malapit sa mga komunidad, ayon sa yunit ng BHB, kaya sinikap nilang ilayo sa kapahamakan ang mga sibilyan sa lugar nang naganap ang labanan.

Kabaligtaran naman ang ginawa ng 84th IB na walang patumanggang nagpaputok sa loob ng halos isang oras nang walang pagsasaalang-alang sa mga sibilyan. Ayon pa sa ulat, ilang minuto bago ang sagupaan ay nagmartsa ang mga sundalo sa kalsada na nagdulot ng takot at pangamba sa mga sibilyan at turistang dumadayo sa Seminublan Falls sa barangay.

AB: Kontra-salaysay ng mga aktibistang akusado ng "terorismo," inihain sa korte sa Nueva Ecija