5 manggagawang pangkaunlaran at tagapagtanggol ng karapatang-tao sa Negros, kinasuhan ng "terrorism financing"

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Tinawag ng Paghida-et sa Kauswagan” Development Group Incorporated (PDG Inc) na hindi makatarungan ang pagsasampa ng mga kaso ng “terrorism financing” o paglabag sa Terrorism Financing and Suppression Act of 2012 laban sa ilan sa kanilang mga aktibo at dating mga kasapi. Giit nito, ginagamit ang estado ang mga alegasyong ito para palabasing ilehitimo ang organisasyon at patawan ito ng mga sangsyon.

Sinampahan ng kaso sina Clarissa Ramos, byuda ng pinaslang na abugado na si Atty. Benjamin Ramos; si Felipe Levy Gelle, Federico Salvilla, at Perla Pavillar. Si Ramos, tulad ng kanyang yumaong asawang abugado, ay dating Executive Director at tagapagtatag ng PDG Inc. Arbitraryong kinasuhan din si Darryl Albañez, hindi kasapi ng PDG Inc pero nakikipagtulungan sa grupo sa mga aktibidad nito.

Ayon sa PDG, ang kinasuhang mga indibidwal ay integral na bahagi ng kanilang organisasyo at nag-alay ng kanilang panahon sa pagpapaunlad sa mga komunidad at pagsusulong ng mga programang pangkaunlaran.

Sa pahayag naman ng Human Rights Advocates Negros (HRAN), mismong ang mga kinatawan ng Department of Justice, kasama ang mga pulis, ang naghain ng subpoena sa mga kinasuhan sa kani-kanilang mga bahay at sa upisina ng PDG Inc sa Binicuil, Kabankalan City noong Abril 29.

Isinampa ang kaso ni PMSG Francisco John Dumdumaya, deputized Anti-money Laundering Council Financial Investigator at kaspai ng Regional Intelligence Division ng PNP Regional Police Office 6. Ibinatay ito sa sinumpaang mga salaysay ng nagpapakilalang “finance and logistics officer at kumander ng “Tahod Ilahas Command ng CPP-NPA” na nag-ooperasyon diumano sa Negros na si Jonel Roy Moreno at nina Danilo at Jeonna Dela Cruz na nagpapakilalang mga kasapi ng lokal na samahan ng mga mangingisda sa Cauyan, Negros Occidental.

“Ang mga atakeng ito sa PDG ay tumindi sa nagdaang mga taon simula sa pagpaslang kay Atty. Ramos Jr, executive direktor nito noong 2018, at ngayon sa mga kasong “terrorism financing,” ayon sa HRAN.

Ang PDG Inc ay isang organisasyon sa sentral at timog na bahagi ng Negros Island at nagsusulong ng karapatan ng mga magsasaka at mga mangingisda para sa sustenableng agrikultura at repormang panlipunan. Itinatag ang organisasyon noong dekada 1980.

AB: 5 manggagawang pangkaunlaran at tagapagtanggol ng karapatang-tao sa Negros, kinasuhan ng "terrorism financing"