Balita

Laban ng mga mangingisdang Sorsoganon sa Donsol, tagumpay

Tagumpay ang laban ng mga mangingisda ng Barangay Sta. Cruz, Donsol, Sorsogon na pigilan ang pagtatayo ng seawall sa kanilang barangay. Batay sa napagkasunduan sa dayalogo sa barangay sa pagitan ng Department of Public Works ang Highways at mga residente noong Oktubre 1, sa hangganan na ng mga Barangay Sta. Cruz at San Rafael itatayo ang seawall, malayo sa “protected area” ng karagatan.

Tinututulan ng mga taga-Sta. Cruz ang unang planong pagtatayo ng seawall dahil sa epekto nito sa kanilang kabuhayan. Ang sea wall ay kongkretong istruktura sa dagat para diuamno pigilan ang pagpasok ng tubig-dagat sa dalampasigan, bagay na kinukwestyon ng mga eksperto. Sa unang plano ay sisirain nito ang mga bakawan, na siyang natural na hadlang sa pagbaha.

Reklamo ng mga residente, sisirain ng planong konstruksyon ang ekosistema sa lugar at ganda ng dalampasigan. Apektado rin nito ang kanilang hanapbuhay at mawawalan sila ng pagdadaungan ng kanilang mga bangka. Walang ibinigay na environmental certificate ang DENR-Provincial Environment and Natural Resources Officers dahil protektadong lugar ang nakatakdang tayuan ng seawall.

Ang Sta. Cruz ay kilalang pasyalan dahil sa puting buhangin ng dalampasigan nito. Feeding ground ng mga butanding ang dagat na sakop ng baryo at itlugan ng mga pawikan ang kanilang dalampasigan. Sa baryo din karaniwan nahuhuli ang higanteng pusit na siyang pangunahing pinagkukuhanan ng hanapbuhay ng mga residente.

Para tutulan ang seawall, unang naglunsad ng signature campaign ang mga residente at gumawa ng Facebook group na “No to Sta. Cruz Seawall Movement.” Ayon sa residenteng si Lito, “nakiisa kami sa signature campaign kasi nakita namin na epektibo itong paraan para mapakita ang paninindigan namin sa plano. Inspirasyon din namin ang laban ng mga mangingisda ng Cota na Dako.”

Mula sa mga natipong pirma ay inihain nila ito sa sangguniang barangay hanggang sa makarating sa sangguniang panlalawigan. At nitong Setyembre ay naghain ng resolusyon ang Sangguniang Panlalawigan ng Donsol upang tutulan ang pagpapatayo ng seawall.

Bagamat natutuwa ang mga residente ng Barangay Sta Cruz sa kanilang tagumpay, ay nanatili parin daw silang mapagpatyag sa anumang lilitaw na problema sa kanilang baryo.

Una nang tinutulan ng mga residente ng Barangay Cota na Dako, Gubat, ang coastal road project o pagtatayo ng kalsada sa baybayin sa kanilang baryo dahil sa magiging epekto ng konstruksyon sa hanapbuhay ng mga residente at pagkasira ng ekosistema ng dagat. Napaatras nila ang konstrusyon. Hindi rin ito nakakuha ng pahintulot mula sa Environmental Management Bureau. Nagpursige ang mga residente sa laban na suportado ng iba’t ibang organisasyon sa pangunguna ng Save Gubat Bay Movement.

 

AB: Laban ng mga mangingisdang Sorsoganon sa Donsol, tagumpay