Lalala ang lagay ng ekonomya kung maluluklok si Marcos Jr
Hindi katulad ng ibang kandidato pagkapresidente, wala ni pagkukunwari ang kampo ni Ferdinand Marcos Jr. na mayroon siyang plataporma para sa ekonomya. “Ipinapakita nito ang kanyang kawalang interes sa pinakaugat ng mga problema ng mga Pilipino,” ayon sa Ibon Foundation, na nagsagawa ng paghahambing ng mga plataporma sa ekonomya ng anim na kumakandidato pagkapresidente. “Mahihinuha mula dito na mas abala siyang pagsilbihin ang sarili sa kanyang pagkandidato.”
Sa paghahambing ng Ibon na pinamagatang “Plataporma sa ekonomya para kanino?” kinumpara nito ang mga plataporma ng anim na kandidato sa limang kategorya: pagpapaunlad ng kanayunan, pagtatayo ng lokal na mga industriya, proteksyon sa kapaligiran, pagtatanggol sa mga karapatan and kagalingan ng mamamayan at pagpupunyagi para sa soberanya at indepensya. Habang nagtala ng pinakamaraming positibo sina Leody de Guzman at Leni Robredo, zero o wala ni isang pinanghawakan ni Marcos Jr.
Ganito rin ang obserbasyon ng Capital Economics, isang institusyon sa pananaliksik na nakabase sa United Kingdom. Katunayan, “lalala ang kalagayan ng ekonomya sa ilalim ni Marcos Jr” dahil sa kabiguan niyang maglahad ng adyenda sa ekonomya,” ayon sa pahayag ng institusyon noong Pebrero 14.
“Malamang na hindi bubuti ang sitwasyon sa ilalim ni Mr. Marcos, at magiging mas mabilis itong lumala,” ayon sa lingguhang pagsusuri nito sa kalagayan ng Pilipinas. “Kung mahahahalal siya, malamang na hindi maabot ng bansa ang inaasahan nitong paglago,” anito. Tinukoy nito ang mga problemang bumabagabag sa bansa tulad ng “mahinang pamamalakad, sadyang pagpapahina sa mga institusyon, kawalan ng karanasan sa pagtatakda ng mga patakaran, korapsyon at nepotismo.”
Sa mga interbyu at pahayag ni Marcos Jr sa kampanya, ang tanging nababanggit pa lamang niya na adyenda sa ekonomya ay ang pagpapatuloy ng engrandeng programang Build, Build, Build ng rehimeng Duterte. Ang ambisyosong programang ito ay malawakang kinukundena bilang misprayoritisasyon at batbat ng mga anomalya, paboritismo at korapsyon.