LGBTQ+ laban sa rehimeng Duterte at Marcos II
Daan-daan ang delegasyon ng pambansa-demokratikong grupo ng LGBTQ+ na Bahaghari sa protestang Pride sa Pasay City at Quezon City noong Hunyo 25 at 28. Panawagan nila, singilin ang rehimeng Duterte at labanan ang papasok na ilehitimong rehimeng Marcos II.
Kabilang sila sa hindi bababa sa 55,000 lumahok sa mga protestang Pride na inilunsad sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Pangunahing tema ng mga protesta ang pagsigaw ng sektor ng LGBTQ+ para sa paglaban sa diskrimasyon at pang-aapi, pagkilala sa kanilang mga karapatan at pagsusulong SOGIE Equality bill.
Isang malaking balatengga na may nakasulat na: “Laban, sangkabaklaan! Singilin si Duterte sa korap, papet at macho-pasistang pamumuno! Wafazin ang mandarayng Marcos-Duterte” ang dala-dala ng grupo.
Para sa Bahaghari, naniniwala silang ang isyung kinakaharap ng sektor ng LGBTQ+ ay hindi kailanman maihihiwalay sa kabuuang isyung kinakaharap ng buong bayan.
Ayon sa tagapangulo ng Bahaghari na si Rey Valmores-Salinas, lubos na ikinararangal ng grupo na kasama sa kanilang delegasyon ang boses at sektor ng mga magsasaka, unyonista, mga manggagawa, lider ng simbahan, mga katutubong minorya at iba pa. “Ipinagmamalaki namin na mapagkaisa ang iba’t ibang sektor sa laban para sa pagkakapantay-pantay,” saad niya.
Dala rin ng grupo ang mga panawagan para sa pambansang minimum na sahod, lupa sa magsasaka, maayos na tugon sa pandemya at krisis sa ekonomya at hustisya sa mga biktima ng kampanya ng pamamaslang at panunupil ng rehimen.
Sa isang post sa social media ni Tinay Palabay ng grupong Karapatan, inalala niya ang mga pinaslang na aktibistang mula sa hanay ng LGBTQ—tulad nila Chad Booc, Ryan Hubilla, Leni Rivas at iba pa. Aniya, ang mga kontribusyon ng mga pinangalanan para sa pagkakapantay-pantay sa kasarian at panlipunang pagpapalaya ay “nakatatak sa mga naratibo ng mga pakikibaka ng magsasaka at minoryang mamamayan.”
Si Booc ay isang boluntir na guro para sa mga Lumad; si Rivas ay isang kabataang Lumad na pinaslang ng mga militar at si Hubilla ay isang tagapagtaguyod ng karapatang-tao sa Sorsogon.
#AtinAngKulayaan
Pinamunuan ng Metro Manila Pride ang sentrong protesta na nilahukan ng aabot sa higit 29,000 katao na inilunsad sa Pasay City noong Hunyo 25. Kasabay na aktibidad ang inilunsad ng Pride PH sa Quezon City Memorial Circle kung saan katuwang nila ang lokal na gubyerno ng syudad. Dumalo rito ang tinatayang 25,000 indibidwal.
Tangan ang mga bahagharing bandila, itinanghal ng mga grupo ang pagtindig para sa ‘Kulayaan’ o pinagsama na salitang “kulay” at “kalayaan” na simbolo ng paglaban ng sektor ng LGBTQ+ sa diskriminasyon, korapsyon at pang-aabuso.
Inilunsad din ang mga aktibidad, protesta at mga martsa sa noong araw na iyon sa Baguio City, Iloilo City, Romblon, Dumaguete City, Cebu, Misamis Oriental, Butuan City at iba pang bahagi ng bansa. Samantala, pinamunuan ng Southern Tagalog Pride ang isang panrehiyong protestang pride sa UP Los Banos noong Hunyo 28.
Nakapaglunsad ng malalaking pagtitipon para sa Pride Month ang mga grupo matapos ang dalawang taong pagkaipit sa pandemyang Covid-19.