Libu-libong Pilipino, nagprotesta sa ikatlong SONA ni Marcos

,

Libu-libong Pilipino ang nagprotesta sa Pilipinas at ibayong dagat para batikusin ang “Bagong Pilipinas” ni Ferdinand Marcos Jr na kanyang ipinamarali sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 22. Inihayag ng mga pambansa-demokratikong grupo sa mga protestang SONA ng bayan ang tunay na kalagayan ng mamamayang Pilipino.

Kahit inulan, libu-libo ang nagtipon sa Commonwealth Avenue sa araw ng SONA ni Marcos. Nagmartsa ang mga magsasaka, manggagawa, kabataan, kababaihan, mga tsuper at opereytor ng dyip, pambansang minorya, mga maralitang lungsod, guro, manggagawang pangkalusugan, kawani ng gubyerno at iba pang mga demokratikong sektor.

Kalahok sa protesta ang higit 600 mula sa Southern Tagalog. Bago ang SONA, nagsagawa sila ng karaban sa pangunguna ng panrehiyong balangay ng Bayan. Sinimulan nila ang karaban noong Hulyo 18 sa Laguna at dumating sa University of the Philippines (UP)-Diliman noong Hulyo 19. Sunud-sunod na protesta ang inilunsad ng delegasyon ng rehiyon sa iba’t ibang ahensya sa Metro Manila, kabilang ang rali sa embahada ng US.

“Ang tunay na kalagayan ng bayan ay ang nakapanlulupaypay na krisis sa ekonomya, tumitinding pasismo, pagsuko ng soberanya, kawalan ng pananagutan at walang katapusang pagtutunggalian sa hanay ng mga naghaharing iilan,” pahayag ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), grupong nanguna sa mga protesta.

Anang grupo, “walang bago sa ‘Bagong Pilipinas’ dahil ito ay ‘business as usual’ para sa malalaking panginoong maylupa, dayuhang malalaking negosyo at mga tiwaling burukratang kapitalista.” Malinaw umano itong sinalamin ng paggasta ng ₱20 milyon para sa paghahanda, pakain at iba pang gastos para sa SONA.

Binatikos rin ng Bayan ang walang katapusang awayan ng mga paksyon nina Marcos at Duterte. “Ang mga maniobra ng mga nasa kapangyarihan, na naghahangad na manatili sa kapangyarihan, ay nagaganap sa gitna ng pagtaas ng presyo, mababang sahod, malawakang kahirapan, kawalan ng lupa at kawalan ng trabaho,” anito.

Kinundena naman ng mga grupo ang pagtatalaga ni Marcos ng 23,000 pulis sa Metro Manila para pigilan ang mga kilos-protesta. Hinarang ang bulto ng mga pambansa-demokratikong grupo na magmartsa papuntang Batasan Pambansa sa may Diliman Doctors Hospital, sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City.

Sa ibang panig ng bansa

Pinangunahan naman ng mga lokal na balangay ng Bayan ang mga kilos-protesta sa walong syudad at prubinsya mula Luzon hanggang Mindanao.

Sa Baguio City, nagmartsa sa Session Road ang mga aktibista at grupo para sa SONA ng bayan noong Hulyo 21. Pinangunahan ang protesta ng Tongtongan ti Umili-Cordillera People’s Alliance sa syudad. Dala-dala ng mga katutubong Igorot ang kanilang mga gangsa na kanilang pinabatingaw kasabay ng martsa.

Sa Albay, matapang na itinuloy ng Bayan-Bicol, kasama ang mga grupo mula Albay, Sorsogon at Masbate, ang kanilang protesta sa bayan ng Guinobatan sa harap ng naglipanang mga poster na nag-red-tag sa mga progresibong lider at grupo. Matapos ang piket at programa, nagsagawa sila ng “operasyong baklas” kung saan sama-sama nilang pinagtatanggal ang mga malisyosyong poster at tarpolin na ito.

Sa Camarines Sur, binigo ng Bayan-Camarines Sur ang tangkang pagpigil ng mga pwersa ng estado sa kanilang kilos protesta sa Plaza Oragon, Naga City. Higit 1,000 katao ang lumahok sa kanilang kilos-protesta ayon sa grupo.

Tinangka silang harangin ng maraming mga pulis at tsekpoynt kabilang ang nasa Barangay Del Rosario kahit maulan. Sa Rinconada area, binantayan ng mga sundalo ang mga barangay upang hindi makalabas ang mga delegasyon na dadalo sa SONA ng bayan. Ayon sa ulat, mas marami pa sana ang lalahok sa protesta kung hindi naharang ng mga pwersa ng estado.

Sa Cebu City, nagmartsa ang mga aktibista at grupong nakapailalim sa Bayan-Central Visayas sa Fuente Osmeña tungong Metro Colon. Kasama rin nila ang mga manggagawa at asosasyong kaisa sa Sugboanong Mamumuo nga Nagkahiusa alang sa Living o SANA-ALL (Cebuano Workers United for Living) na naggigiit ng pagtataas ng sahod.

Sa Bacolod City, nagmartsa ang mga grupong bahagi ng Bayan-Negros patungong Fountain of Justice para ipahayag ang kanilang pagkamuhi sa rehimeng Marcos. Idiniin ng grupo ang kasalukuyang serye ng pribatisasyon sa syudad na labis na nagpapahirap sa mga karaniwang mamamayan.

Sa Iloilo City, ilandaang Ilonggo ang nagtipon sa harap ng Iloilo Provincial Capitol sa pangunguna ng Bayan-Panay. Kabilang sa mga dumalo sa pagkilos ang mga tsuper at opereytor ng dyip na lubhang apektado ng jeepney phaseout at ng ipinatutupad na anti-mahirap na Local Public Transport Route Plan (LPTRP) ng lokal na gubyerno ng syudad.

Sa Capiz, nagtipon ang 150 katao mula sa iba’t ibang bahagi ng prubinsya sa Roxas City Public Plaza sa pangunguna ng Bayan-Capiz. Nakiisa sa pagkilos ang mga sektor mula sa maralitang lungsod, kabataan, kababaihan at mga magsasaka.

Sa Aklan, nagsama-sama ang iba’t ibang sektor para sa SONA ng bayan sa Kalibo sa pangunguna ng Bayan-Aklan. Dumalo sa protesta ang mga kasapi ng Pamalakaya-Aklan at KMP-Aklan. Nagsagawa rin sila ng porum sa araw na iyon na nagtalakay sa kalagayan ng soberanya ng bansa.

Sa Davao City, nasa 50 kasapi ng Bayan-Southern Mindanao ang nagtipun-tipon sa Freedom Park para sa protestang SONA ng bayan. Pinatampok sa kanilang protesta ang kaso ng Talaingod 18, panggigipit sa mga Lumad at mga sumusuporta sa kanilang pakikibaka. Gayunin, inihayag nila ang nagpapatuloy na paghahanap sa organisador ng mga manggagawa na si William Lariosa na dinukot ng mga pwersa ng estado noong Pebrero sa Bukidnon.

Nakiisa rin sa protesta ang mga bilanggong pulitikal sa bansa. Nagsagawa sila ng isang araw na protestang pag-aayuno bilang pagbatikos sa rehimeng Marcos. Inilantad nila ang lumulubhang kalagayan sa loob ng mga piitan katulad ng napakasisikip na kulungan. Kabilang sa mga kalahok sa pag-aayuno ay mga bilanggong pulitikal sa Palawan, Camarines Sur, Negros Occidental, Negros Oriental at sa New Bilibid Prisons, at Metro Manila District Jail sa Metro Manila.

Sa ibayong dagat

Ilang libong milya man ang layo sa inang bayan, ipinahayag ng mga migranteng Pilipino ang kanilang paninindigan laban sa anti-nasyunal at anti-demokratikong rehimeng Marcos. Nagsagawa ng pagkilos ang mga grupo ng migranteng Pilipino sa North America, Europe, Asia at Australia sa pangunguna ng mga balangay ng Bayan at Migrante.

Sa Canada, inilunsad ang mga aktibidad at pagkilos sa mga syudad ng Alberta, British Colombia, Manitoba, Montreal at Toronto mula Hulyo 20 hanggang Hulyo 21.

Sa United States, nagkaroon ng mga protesta at programa sa mga syudad ng Chicago, Los Angeles, Portland, San Francisco, Seattle, Washington DC at Honolulu mula Hulyo 21 hanggang Hulyo 24. Iniulat ng Bayan-USA na umabot sa 1,100 mga Pilipino ang nakiisa sa kanilang mga pagkilos sa buong bansa. Binatikos nila ang gubyerno ng US sa pagsusuplay nito ng armas sa rehimeng Marcos laban sa mamamayang Pilipino.

Sa Europe, nagkaroon ng mga aktibidad ang iba’t ibang migranteng organisasyon ng mga Pilipino sa Austria, Germany, Italy, Switzerland, at United Kingdom mula Hulyo 19 hanggng Hulyo 22. Samantala, tuluy-tuloy na mga “online” na aktibidad ang isinagawa ng mga grupo dito noong Hulyo 21 hanggang Hulyo 24.

Sa Australia, nagkaroon ng mga pagtitipon sa Melbourne, Perth, at Sydney. Isinagawa rin ng mga migranteng Pilipino ang isang aktibidad sa Auckland sa New Zealand.

Sa Asia, mayroong mga aktibidad ang mga migrateng Pilipino sa Hong Kong, Japan, South Korea at Taiwan. Inilunsad rin nila ang isang “online” na aktibidad sa hanay ng mga taga-Southeast Asia noong Hulyo 21.

Ang ilan sa mga kilos protesta ay nagtungo sa mga upisinang kumakatawan sa Gubyerno ng Pilipinas sa ibayong dagat para ihayag ang pagkamuhi ng mga migranteng sa gubyerno ni Ferdinand Marcos Jr.

AB: Libu-libong Pilipino, nagprotesta sa ikatlong SONA ni Marcos