Libu-libong tropang Amerikano, naglipana sa karagatan, kahanginan at kalupaan ng Pilipinas ngayong Abril

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Literal na nakatambak ngayon ang mga tropang Amerikano sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Kasabwat ang papet na AFP at rehimeng Marcos, ang Pilipinas ay ginawa nilang isang dambuhalang palaruan para sa inihahanda ng US na ehersisyong gera na nakatuon laban sa China.

Liban sa mga maniobrang anti-submarino sa Palawan, Cope Thunder at nakaambang Balikatan 2024, patong-patong na iba pang probokatibong maniobra at war games ang isinagawa ng US sa karagatan, kahanginan at kalupaan ng Pilipinas. Hindi lamang sariling pwersa ang dala ng US, karay-karay din nito ang iba pang dayuhang tropa (Australian, Korean, Japanese at maging mga pwersang European) sa mga palarong pandigma.

Isinapubliko ng AFP noong Abril 9 ang nagaganap na Marine Exercise 2024 o MAREX 2024, ang diumano’y “kauna-unahang” marine exercises ng US sa Central Mindanao. Nagsimula ang war game noong April 8, kasabay ng Cope Thunder, at magtatapos sa Abril 19 sa Camp Iran Un sa Brgy. Togaig, Barira at Brgy. Pura, Datu Blah Sinsuat na pawang nasa Maguindanao del Norte.

Kasabay nito, sinimulan din ang Salaknib Exercises sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija na nilahukan 4,000 sundalo mula sa 5th ID at 7th ID ng AFP at at mga tropang Amerikano mula sa 3rd Infantry Brigade Combat Team, 25th ID. Ang Cope Thunder, sa kabilang banda, ay isinasagawa sa Northern Luzon Intensive Military Training Area, Basa Air Base at Brigadier General Benito N Ebuen Air Base.

Noong Abril 9, inanunsyo ng US Indo Pacific Command sa pamamagitan ng social media accounts nito na nagsagawa ang mga pwersang Amerikano ng live-fire exercises sa Philippine Sea gamit ang USS Ralph Johnson-DDG 114.

Sa parehong araw, nagsagawa ang USS Theodore Roosevelt ng routine flight operations, para ipamukha sa China ang “kahandaan” ng mga pwersa ng US Pacific Fleet sa ilalim ng US 7th Fleet at ang “suporta” nito sa Pilipinas.

Isa pang live-fire exercises ang isinagawa ng USS HIGGINS (DDG 76) at USNS Charles Drew para “panatilihin” ang “kapayapaan at stabilidad” ilang araw bago nito.

Noong Abril 9 rin, ibinahagi ng Indo-Pacific Comand na nagsagawa ng “flight operations” ang mga pwersang nabal nito na lulan sa USS America (LHA 6), bilang pagpapakitang-gilas ng kapabilidad ng mga “asset” ng US sa karagatan.

Lahat ng mga aktibidad na ito ay isinagawa sa loob ng karagatan ng Pilipinas. Di bababa sa 7,000 tropa ang lulan ng mga barkong ito na binansagang mga “lumulutang na base militar.”

Sa loob ng Pilipinas, nagsagawa ng operasyon sibil-militar ang US sa Butas na Bato Elementary School sa Dingalan, Aurora noong Abril 6 at sa Alannay Elementary School sa Cagayan. Malaon nang bahagi ng Balikatan ang gayong mga aktibidad, kung saan tinatangka ng mga pwersang Amerikano na magpabango ng imahe gamit ang mga bata at residente.

May mga tropang Amerikano rin sa Camp Aguinaldo sa Quezon City noong Abril 1-5 para sa “kauna-unahan” rin na “Information Warfighter Exercise” kung saan “nagbahaginan” ang dalawang bansa ng taktikal at maseselang impormasyong panseguridad.

Ang mga nabanggit na palarong pandigma ay ilan lamang sa mga aktibidad na isinapubliko ng US.

AB: Libu-libong tropang Amerikano, naglipana sa karagatan, kahanginan at kalupaan ng Pilipinas ngayong Abril