Lider-magsasaka sa Cagayan Valley, nakalaya na matapos ang higit 2 taon

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Matapos ang higit dalawang taong pagkakapiit, nakalaya na ang lider-magsasaka sa Cagayan Valley na si Isabelo Adviento, mas kilala sa pangalang Manong Buting. Ikinulong siya sa mga kasong illegal possession of firearms and explosives na isinampa ng mga pulis. Sa anunsyo ng Karapatan-Cagayan Valley ngayong araw, Hunyo 8, si Adviento ay nakalaya noon pang Abril matapos ibasura ang mga kaso laban sa kanya.

Inaresto si Adviento, tagapangulo ng Danggayan dagiti Mannalon iti Cagayan Valley, panrehiyong balangay ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, noong Abril 8, 2022 sa isang kainan sa Bayombong, Nueva Vizcaya. Sa panahong iyon, siya ay nagsisilbi rin bilang ika-4 na nominado ng Anakpawis Partylist na tumatakbo noon sa eleksyon.

“Matapos ang pinahabang prosesong ligal, ibinasura ng korte ang gawa-gawang kasong illegal possesion of firearms and explosives na isinampa ng CIDG-PNP. Tuluyan nang nakalaya si Manong Buting,” ayon sa Karapatan-Cagayan Valley. Naging katuwang nila ang National Union of People’s Lawyers at SENTRA sa pag-aasikaso sa mga kaso ni Adviento.

Bago pa maaresto noong Abril 2022, tinangka na siyang damputin ng mga pulis noong Disyembre 2020 nang nireyd ng mga pulis at sundalo ang kanyang bahay sa Barangay Carupian, Baggao, Cagayan. Pinalabas ng mga pwersa ng estado na nakakumpiska sila dito ng mga baril, bala at pampasabog. Walang-awat din ang Red-tagging sa kanya.

Kasunod ng paglaya ni Adviento, ipinanawagan ng Karapatan-Cagayan Valley ang pagbabasura sa anito’y gawa-gawang mga kaso laban sa may 23 pang bilanggong pulitikal sa rehiyon. “Hindi krimen ang aktibismo, at lalong hindi terorismo ang pagsuong sa lahat ng porma ng paglaban na naglalayon ng panlipunang paglaya at demokrasya,” pagtatapos nito.

AB: Lider-magsasaka sa Cagayan Valley, nakalaya na matapos ang higit 2 taon