Lider-manggagawa ng Caraga, arbitraryong inaresto
Mariing kinundena ng Kilusang Mayo Uno ang Philippine National Police dahil sa arbitraryong pag-aresto sa Butuan City kay Roel Duyag, koordineytor ng KMU sa rehiyon ng Caraga, noong Nobyembre 25. Nasa burol ng kanyang ina si Duyag nang arestuhin siya bandang alas-9:30 ng gabi. Dinala siya sa Butuan PNP Station 1 at sinampahan ng gawa-gawang mga kasong bigong pagpatay.
Liban sa gawa-gawa ang kaso, pinuna rin ang paglabag sa prosesong ligal. Walang paunang abiso kay Duyag na mayroong kasong nakasampa sa kanya at nagulat na lamang siya nang hinainan siya ng mandamyento sabay ng pagdakip sa kanya.
Delegado si Duyag sa pagtitipon ng NAFLU-KMU noong Nobyembre 11, ayon sa sentro. Aktibong siya sa kampanya para sa pagsusulong ng dagdag-sahod at pagpapakilos sa Nobyembre 30 sa kanilang rehiyon.
Pang-apat na si Duyag na lider-manggagawang inaresto ng rehimeng Marcos sa nakaraang dalawang buwan. Bago kay Duyag, inaresto rin sina Kara Taggaoa, Larry Valbuena, at Banjo Cordero sa Maynila. Liban sa apat na pang-aaresto, mayroon pang 25 kaso ng mga pang-aatake sa mga manggagawa at kanilang mga karapatan na naitala ng Center for Trade Union and Human Rights sa ilalim ng kasalukuyang rehimen.
“Nararapat nang matigil ang atake sa mga manggagawa na ang tanging hangad ay magkaroon ng sapat upang buhayin ang kanilang mga pamilya,” pahayag ng KMU ngayong araw. “Apat na araw bago Nobyembre 30, ang malaking pagkilos ng mga manggagawa para sa umento sa sahod, pasismo ang sagot ng estado!”
Nangako ang sentro na hindi aatras at lalupang palalakasin ang sama-samang pagkilos ng mga manggagawa sa gitna ng lumalalang krisis sa ekonomya.