Lider ng Partido sa Cagayan Valley, pinarangalan ng Komiteng Rehiyon
Nagbigay-pugay ang Pangrehiyong Kumand sa Operasyon ng Bagong Hukbong Bayan-Cagayan Valley (Fortunato Camus Command) at Komiteng Rehiyon ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) kay Kasamang Ariel Arbitrario (Ka Karl/Ka Ned), 54, sa isang pahayag noong Setyembre 17. Si Ka Karl, bahagi ng kalihiman ng Komiteng Rehiyon, ay namartir noong Setyembre 11 kasama ang dalawa pa sa Barangay Baliuag, Peñablanca, Cagayan.
Kinilala siya ng Komiteng Rehiyon bilang isang magiting na lider komunista at matayog na haligi ng rebolusyong Pilipino. “Nakatanghal ang lahat ng sandata ng mga kumander at mandirigma ng BHB sa paggawad ng pinakamatikas na Pulang saludo at parangal sa kanyang maningning na buhay at kabayanihan,” pahayag nito.
Tubong-Davao, ipinanganak si Ka Karl noong Nobyembre 1969 at nagmula sa uring petiburgesya. Nag-aral siya sa kursong BS Civil Engineering sa Ateneo de Davao University. Mula sa pagiging aktibista, naging kasapi siya ng Partido noong 1986 at naglaan ng buong-panahon para sa Partido mula 1988.
Nagsilbi siyang pinuno sa iba’t ibang mga komite at antas ng Partido sa Southern Mindanao at buong Mindanao noong 1988 hanggang 2008. Nadakip siya ng mga pwersa ng estado noong Pebrero 2008. Nakalaya siya noong 2016 at nagsilbing isa sa mga konsultant ng National Demoratic Front of the Philippines sa negosasyong pangkapayapaan.
Kasunod ng pagbasura ng rehimeng US-Duterte sa negosasyong pangkapayapaan at atas na muling arestuhin ang mga konsultant noong Nobyembre 2017, sa Cagayan Valley na kumilos si Ka Karl kung saan naitalaga siyang kalihim ng Komiteng Probinsya ng Partido sa Cagayan simula Agosto 2018 at naging kagawad ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komiteng Rehiyon hanggang gumanap sa Kalihiman ng Komiteng Rehiyon noong 2021.
“Malaking kawalan sa Partido at sa masa ang pagkawala ni Ka Karl, na tumayong gabay at pundasyon ng rebolusyonaryong kilusan hindi lamang sa Cagayan Valley kundi sa buong bansa,” pahayag pa ng Komite. Gayunman, idiniin nila na sa kabila ng pagkawala ng lider ng Partido, itinuturo ng materylistang pananaw sa kasaysayan na tunay ngang mahalaga ang mga lider ngunit ang mamamayan ang magbabago ng kasaysayan.
Nagpahayag rin ng pakikiramay ang Komite sa naulilang pamilya, mga anak, kamag-anak, kaibigan, at kakilala ni Ka Karl. Hindi magmamaliw ang kanyang diwa at alaala at habampanahong dadakilain ang kanyang naging buhay at pakikibaka, anito.
Nanawagan rin sila ng hustisya dahil sa posibleng mga paglabag sa internasyunal na makataong batas ng mga pwersa ng Armed Forces of the Philippines sa pagpaslang kay Ka Karl. “Malaki ang batayan upang maniwalang wala siyang kakayahang lumaban nang makuha ng mga berdugo, isinailim sa matinding tortyur at interogasyon hanggang sa tuluyang pinaslang,” anito.
Samantala, sa magkahiwalay na pahayag ay pinarangalan ng Komiteng Rehiyon sina Orlando Sagsagat (Ka Jorly) at Danielle Marie Pelagio (Ka Seed), mga kasama ni Ka Karl na pinaslang ng militar.