Linggo ng pag-alaala sa mga martir sa India, idineklara ng CPI (Maoist)

,

Idineklara ng Communist Party of India (Maoist) ang pagsasagawa nito ng linggo ng pag-alaala sa mga martir ng rebolusyon sa India mula Hulyo 28 hanggang Agosto 3. Inilulunsad nila ito sa harap ng walang-tigil at pinaigting pang kampanyang kontra-insurhensya na Operation Samadhan-Prahar at Operation Kagaar laban sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayan ng India.

“Ipinagpapatuloy natin ang rebolusyonaryong tradisyon ng muling pagpapatibay sa ating dedikasyon na kamtin ang adhikain ng mga kasamang nagbuwis ng buhay para sa pakikibaka laban sa imperyalismo at mapagsamantalang uring komprador na may layuning ipagtagumpay ang Bagong Demokratikong Rebolusyon sa ating bansa,” ayon sa CPI (Maoist).

Sa nagdaang taon, hindi bababa sa 200 magigiting na mga kasama at rebolusyonaryong mamamayan ang namartir sa pagtahak nila sa landas ng matagalang digmang bayan. Sa mga ito, 56 ay kababaihan. Kabilang sa mga namartir ang mahuhusay na mga lider ng CPI (Maoist) na sina Comrade Dama (Sujan Singh Madkam, Rajesh), Comrade Joganna (Cheemala Narasayya), at Comrade Sagar (Anne Santosh, Sridhar).

Naitala ang pinakamaraming bilang ng nabuwal na mga kasama, mandirigma at rebolusyonaryong masa sa rehiyon ng Dandakaranya sa Central India. Sa mga namartir, 65 mga kasama na kasapi ng People’s Liberation Guerilla Army (PLGA) ang nabuwal habang matapang na nagtatanggol laban sa kampanyang pagkubkob ng mga armadong pwersa ng reaksyunaryong estado ng India. Limang mandirigma naman ang namartir sa mga aksyong gerilya na inilunsad ng PLGA.

Samantala, 98 kasama at masang magsasaka ang napaslang sa mga masaker at pekeng engkwentro na isinasagawa ng estado ng India. Marami sa kanila ay naaresto ng buhay bago sadyang pinaslang. Naitala naman ng CPI (Maoist) ang pagkamatay ng apat na kasama sa panlalason ng ahente ng kaaway, 13 kasama dahil sa sakit, at walong kasama sa aksidente.

“Ibinibigay ng Komite Sentral ng Partido ang rebolusyonaryong pagpupugay sa lahat ng mga martir na nag-alay ng pinakamataas na sakripisyo para makamtan ang layunin ng rebolusyon,” pahayag ng CPI (Maoist). Nangako ang Partido na ipagpapatuloy nila ang ipinaglaban ng nabuwal nilang mga kasama hanggang dulo.

Kinilala rin ng CPI (Maoist) ang mga namartir sa hanay ng internasyunal na kilusang komunista. Ayon sa Partido, pinaslang ng mga imperyalista at kanilang mga tau-tauhang naghaharing mga uri sa kani-kanyang bansa ang mga lider at kasama sa layuning wakasan ang mga sosyalistang rebolusyon at mga bagong demokratikong rebolusyon sa iba’t ibang bansa.

Kabilang sa pinarangalan ng mga komunistang Indian si Dionisio Micabalo (Ka Toto), kasapi ng Kawanihan sa Pulitika ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas, si Josephine Mendoza (Ka Sandy), at iba pang lider ng PKP na namatay sa nagdaang taon. Pinagpugayan rin nila si Jude Thaddeus Fernandez, beteranong organisador sa hanay ng manggagawang Pilipino.

Sa huli, nanawagan ang CPI (Maoist) sa mga kasapi ng Partido nito, mga pwersa ng PLGA, mga organo ng rebolusyonaryong mamamayan, manggagawa, magsasaka, mga estudyante at iba pang demokratikong sektor sa India na gunitain ang linggo ng pag-alaala sa mga martir.

Bahagi ng paggunita ang pagpapakilos sa maraming bilang ng masa sa mga pakikibakang bayan, pakikidigmang gerilya para biguin ang kontra-rebolusyonaryong gerang Operation Kagaar at organisahin ang mamamayan, palakasin ang mga baseng masa at sariling pwersa para iabante ang rebolusyonaryong kilusan sa India. “Nangangailangan ng sakripisyo ang rebolusyon,” pagdidiin ng CPI (Maoist).

AB: Linggo ng pag-alaala sa mga martir sa India, idineklara ng CPI (Maoist)