'Lockdown' ng militar sa mga barangay ng Northern Samar, pahirap sa magsasaka

,

Isang linggo nang nakapailalim sa ipinataw ng militar na lockdown ang ilang mga barangay sa bayan ng Catubig sa Northern Samar. Ipinataw ang arbitraryong lockdown bilang bahagi ng focused military operation (FMO) ng 20th IB sa naturang mga barangay at katabing mga komunidad mula pa Mayo 2024.

Ayon sa pinakahuling ulat ng masa sa mga naturang barangay, hindi pinapayagang pumunta sa kanilang mga koprasan at sakahan ang mga magsasaka ng Barangay Hitapian (populasyon: 1,247) at Barangay San Vicente (1,767), sa Catubig mula pa Hulyo 19. Katulad na ‘lockdown’ ang ipinataw sa mga barangay noong Nobyembre 2023 at Pebrero ngayong taon.

Apektado ng lockdown ang malayang pagkilos at kabuhayan ng mga magsasaka. Mas pinatindi pa ng limitadong oras na nailalaan ng magsasaka sa kanilang pagtatrabaho ang dati nang hikahos na kalagayan sa pamumuhay. Napatigil nito ang dati nang nakasanayan ng mga magsasaka na “pagbanti” o pagtanim ng palay, gulay at halamang-ugat sa mga sakahan nila sa bukiring bahagi ng baryo bilang alternatibong pinagmumulan ng pagkain at kita.

Ramdam din ng mamamayan ng Barangay Hitapian ang hindi na masiglang partisipasyon ng taga-ibang baryo sa panahon ng pagtatanim ng palay sa patag at pag-aani na dating natural na kaayusan sa kanilang baryo.

Apektado din ng lockdown ang pagbebenta nila ng bigas sa Barangay San Jose, Mapanas. Tulad sa nakaraan, sapilitan silang pinalilista sa logbook, sinisita at pinagduduhan sa kanilang mga byahe papuntang San Jose lalo kung may dalang bigas. Inaakusahan silang tumutulong sa Bagong Hukbong Bayan.

Sa panahon ng lockdown, dumadanas sila ng kahirapan kung saan kukuha ng pagkain, uling para sa konsumo sa bahay, paglilipat ng hayop sa mga sakahan, araw-araw na gastusin ng mga estudyante, mga binabayarang arawang utang at iba pa.

Ang Baragay Hitapian ay isa lamang sa maraming mga barangay sa bayan ng Catubig na nakararanas ng paulit-ulit na lockdown ng 20th IB. Ang yunit-militar na ito ay pinamumunuan ng isang Lieutenant Martires ng 20th IB, na nagsisilbing kumander ng operasyong Retooled Community Support Program (RCSP) sa kulumpon ng mga barangay.

Samantala, ipinailalim noong Hulyo 9-16 sa lockdown ang mga barangay ng San Francisco at Imelda sa Las Navas pagkatapos ang ginawang pamamaril ng 20th IB sa isang sibilyan.

Ipinaiilalim ang mga barangay ng Northern Samar sa paghaharing militar dahil sa paniniwala ng rehimeng Marcos na nasa prubinsya, at rehiyon ng Eastern Visayas, ang sinasabi nitong natitirang mahihina nang larangang gerilya ng BHB.

AB: 'Lockdown' ng militar sa mga barangay ng Northern Samar, pahirap sa magsasaka