Mag-aalimango sa Sorsogon, naggiit ng dayalogo sa BFAR

Nanawagan ang Save Gubat Bay Movement (SGBM), samahan ng mga mangingisda sa bayan ng Gubat, Sorsogon, noong Hunyo 13 sa mga upisyal ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na makipagdayalogo para pag-usapan ang utos nitong nagbabawal sa paghuli at pagbebenta ng mga mangrove crablets o kilala din bilang King Crabs. Ang utos na ito ay sinasabing sang-ayon sa Fisheries Administrative Order (FAO) 264 ng BFAR na inilabas noong Enero 2020.

Ayon sa liham ng grupo noong Hunyo 13, nais nilang ihapag sa BFAR ang malubhang epekto ng utas na ito sa libu-libong nag-aalaga ng King Crab at maliliit na mangingisda sa bayan ng Gubat. Ang SGBM, kasapi ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya (Pamalakaya), ay binubuo ng tatlong asosasyon at kooperatiba ng mga mangingisda na Cota na Daco Crablet Workers Association (COTAW), Samahang Alay sa Kalikasan Cooperative, at Sorsogon King Crab Raisers Association (SKRA).

Ayon sa grupo, hindi sila sang-ayon sa FAO 264 na nagbabawal sa panghuhuli ng semilya (fingerling) ng mga alimango na sinasabing para sa preserbasyon ng mga ito. Anito, “hindi rin dumaan sa masusing konsultasyon sa mga apektadong sektor bago ipataw ang kautusan.”

Paliwanag ng grupo, pag-aalimango ang pangunahing ikinabubuhay ng karamihan sa aming mga kasapi na kinabibilangan rin ng maliliit na mangingisda. “Minana na namin ang ganitong hanapbuhay sa aming mga ninuno. Naninindigan kaming sustenable ang aming pamamaraan dahil hindi naman namin magagawang sirain o ubusin ang ganitong tipo ng isda/alimango dahil dito nakasalalay ang aming kabuhayan at kinabukasan ng aming mga pamilya,” ayon sa kanila.

Ayon sa mga mag-aalimango, aktibo ang kanilang organisasyon sa pangangalaga ng mga bakawan at baybayin na nagsisilbing itlugan at tahanan ng mga alimango. Katunayan, mariin nilang tinututulan ang mga aktibidad at proyekto na banta sa ekosistema at tahanan ng mga alimango.

Handa ang kanilang grupo na ihapag ang kanilang pusisyon at ipaglaban ang kabuhayan ng maliliit na mangingisda at mag-aalimango sa prubinsya.

AB: Mag-aalimango sa Sorsogon, naggiit ng dayalogo sa BFAR