Balita

Mag-asawang sibilyan sa Himamaylan City, brutal na pinaslang ng 94th IB

Brutal na pinaslang ng mga sundalo ng 94th IB ang mag-asawang sibilyan na sina Marvin Incancion, 37, at Jolina Martinez, 27, sa kanilang kubo sa Sityo Pisok, Barangay Buenavista, Himamaylan City, Negros Occidental noong Agosto 22 nang alas-8:40 ng umaga. Batay sa inisyal na impormasyon, dinakip ng mga sundalo ang mga biktima bago sadyang pinaslang.

Namatay sa mga tama ng baril sa ulo ang mag-asawa. Ayon pa sa mga ulat, halos hindi na makilala ang mukha ni Martinez dahil sa tindi ng pamamaril.

Katulad sa karaniwang modus operandi ng mga yunit ng Armed Forces of the Philippines (AFP), pinalalabas ng 94th IB na napaslang ang mag-asawa sa isang armadong engkwentro laban sa “natitirang” mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-South Central Negros (Mt. Cansermon Command).

Pinasinungalingan ito ng tagapagsalita ng BHB-South Central Negros at sinabing walang yunit ng hukbong bayan sa naturang lugar sa panahong iyon. Walang katotohanan ang pahayag ng militar na nakumpiska sa mag-asawa ang isang M16, isang M14, mga bala at iba pang kagamitang pandigma.

“Ang mga biktima ay hindi armado at walang-awang pinaslang ng mga berdugo ng AFP para abutin ang kanilang kota at panatilihin ang pekeng deklarasyon na nabuwag na ang larangang gerilya,” ayon kay Ka Dionesio Magbuelas, tagapagsalita ng BHB-South Central Negros.

Inilinaw ni Magbuelas na ang mag-asawa ay dating mga kasapi ng BHB na lumabas sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka noon pang 2023. Dahil dito, itinuturing silang mga sibilyan sa balangkas ng internasyunal na makataong batas.

“Mula noon ay naghahanap-buhay na lamang sila bilang mga magsasaka sa lugar, pero patuloy silang ni-Red-tag at hinaras ng 94th IB at pinilit na pumaloob sa korap na programa ng pagsurender,” ayon pa kay Ka Dionesio. Bago sila pinatay, dalawang beses nang nireyd ng mga sundalo ang kanilang bahay noong nagdaang taon.

Kasunod ng brutal na pagpatay sa mag-asawa, hibang na idineklara ng kumander ng Visayas Command ng AFP na isang “malaking bigwas” sa rebolusonaryong kilusan sa Western Visayas ang pagpatay nila sa mga sibilyan. Dati nang idineklara ng 94th IB na lima na lamang natitirang mandirigma ng BHB-South Central Negros.

Sa ilalim ng rehimeng Marcos, naitala sa Himamaylan City ang 107 mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao ng mga pwersa ng estado. Hindi bababa sa 150,000 residente ang naapektuhan ng mga paglabag na ito kung saan pito ang pinaslang. Kabilang sa mga biktima ang pamilyang Fausto na pinaslang ng 94th IB sa Barangay Buenavista noong Mayo 2023.

“Sa desperadong tangka ng AFP na sindakin ang masa sa pamamagitan ng lansakang karahasang tumatarget sa walang kakayahang tulungan at ipagtanggol ang sarili, pinatutunayan nila mismo na imposibleng matalo ang armadong rebolusyon habang kada araw ay binibigyan nila ng rason ang mga inaapi na tumangan ng armas at labanan ang reaksyunaryong pasistang estado,” pagdidiin ni Ka Dionesio.

AB: Mag-asawang sibilyan sa Himamaylan City, brutal na pinaslang ng 94th IB