Magkakasunod na protesta, inilunsad sa limang ospital

Magkakasunod na protesta at pangangalampag ang inilunsad ng mga unyon ng mga manggagawang pangkalusugan sa ilalim ng Alliance of Health Workers (AHW) sa limang ospital sa Metro Manila nitong Hunyo 23 at Hunyo 27. Inilunsad ang mga protesta kaugnay ng nalalapit na isang taon sa poder ng rehimeng Marcos at ikalawang state of the nation address nito.

Naglunsad ng “noise barrage” ang mga manggagawang pangkalusugan sa Philippine Orthopedic Center (POC) at National Children’s Hospital (NCH) noong Hunyo 27. Samantala, nagprotesta naman ang mga unyon sa Philippine Heart Center (PHC), Lung Center of the Philippines (LCP), at National Kidney and Transplant Institute (NKTI) noong Hunyo 23.

Iginigiit nila kay Marcos Jr ang ₱33,000 na sahod ng mga bagong manggawang pangkalusugan sa pampubliko at pribadong ospital. Ipinaglalaban din ng AHW ang pagbibigay ng makatarungang dagdag-sahod sa hanay ng mga manggagawang pangkalusugan.

“Nararapat lang mabigyan ng dagdag-sahod ang mga manggagawang pangkalusugan…nangangalampag kami para basagin ang katahimikan ni President Marcos Jr sa hindi pagtugon sa makatarungang panawagan ng mga manggagawang pangkalusugan para sa dagdag-sahod,” ayon kay Robert Mendoza, pambansang tagapangulo ng AHW.

Dagdag pa ng mga unyon, dapat kagyat na ibigay ang labis na naantalang Covid-19 alawans, mga performance based bonus, Health Emergency Allowance (HEA) at iba pang benepisyo.

Anila, hindi pa rin natatanggap ng mga manggagawang pangkalusugan sa pampublikong mga ospital ang HEA para sa Enero-Hunyo 2023, habang ang mga nasa pribado at nasa ilalim ng lokal na gubyernong mga ospital ay naghihintay ng HEA mula Enero-Disyembre 2022 at Hulyo-Disyembre 2022. Hindi pa rin umano natatanggap ang kahit isang kusing mula sa Performance Based Bonus 2021-2022.

Pinuna rin ng AHW ang pag-eempleyo ng Department of Health (DOH) ng mga kontraktwal na walang permanenteng pusisyon sa kabila ng 21,038 na bakanteng pusisyong plantilla ng ahensya.

“Halos isang taon na sa poder si President Marcos Jr, pero wala pa tayong nakikitang hakbang na ginagawa ng kanyang administrasyon para sa ating matagal nang mga kahingian,” ayon kay Ricardo Antonio, pangulo ng National Orthopedic Hospital Workers Union-AHW,

Anang AHW, dapat kumilos ang bagong talagang kalihim ng DOH at si Marcos Jr para sa mga hinaing ng mga manggagawang pangkalusugan. Kinakailangan umano ang kagyat na tugon dahil ang sistemang pangkalusugan sa bansa ay nasa matinding krisis.

AB: Magkakasunod na protesta, inilunsad sa limang ospital