Magsasaka, at di Pulang mandirigma, ang isang pinatay ng 79th IB sa Escalante

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Pinabulaanan ng pamilya ni Jose Caramihan na siya ay myembro ng Bagong Hukbong Bayan, taliwas sa ipinalabas ng 79th IB noong Pebrero 24. Si Caramihan ay isang magsasaka na pinatay ng mga sundalo ng 79th IB sa Sityo Mansulao, Barangay Pinapugasan, Escalante City noong Pebrero 21.

“Magsasaka ang tatay ko,” sabi ni Charlene Caramihan, isang estudyante ng kursong edukasyon. “Kung rebelde siya, paano niya kami mapagpapa-aral sa pribadong eskwelahan?” Labis ang paghihinagpis ni Charlene na nangako sa kanyang ama na isasama sa entablado sa kanyang pagtatapos sa Mayo.

Kinumpirma rin ni Jonathan Pabalate, kagawad ng Barangay Pinapugasan, na rehistradong residente sa barangay si Caramihan. Myembro ang mag-asawang Caramihan ng United Sagay, Escalante, Toboso Planters Association, Inc. Orihinal na taga-Calatrava ang kanilang pamilya. Liban kay Charlene, may anim pang anak ang mag-asawa.

Huling nakita ng kanyang pamilya si Jose noong umaga ng Pebrero 21. Nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng isang yunit ng hukbong bayan sa naturang barangay bandang alas-11 ng umaga, na sinundan ng walang patumanggang pambobomba na isinagawa ng militar noong Pebrero 22.

Sa ikatlong araw matapos ang engkwentro, laking gulat na lamang ng pamilya nang iprisinta ng 79th IB, sa pamumuno ng kumander nitong si Col. Arnel Calaoagan, kasama ang SOCO, PNP-Escalante at mga upisyal ng barangay, si Jose bilang alyas “Joe.” Ayon kay 1st Lt. Dan Carlos Zamosa ng 79th IB, si “Joe” ang pangatlong mandirigma na napatay nila sa “serye” ng mga engkwentro.

Nasa abanteng pagkabulok na ang bangkay ni Caramihan nang makuha ito ng pamilya. May mga tama ito ng bala sa paa, ulo, binti at braso.

Samantala, kinumpirma ng BHB-North Negros na may dalawang nasawi sa una, at tanging, engkwentro na naganap sa Barangay Pinapugasan noong Pebrero 21. Pinarangalan nito sina Emarie Pastidio (Ka Jandy) at Joshua Sultan (Ka Jorge). Pinabulaanan din ng yunit na myembro ng BHB si Caramihan, at na nagkaroon pa ng “serye” ng mga engkwentro na tumagal hanggang Pebrero 22.

AB: Magsasaka, at di Pulang mandirigma, ang isang pinatay ng 79th IB sa Escalante