Magsasaka ng kamote at saging, pinaslang ng 79th IB sa Negros Occidental

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Sadyang pinaslang ng mga sundalo ng 79th IB ang magsasakang si Jeje Redobles sa Sityo Manaysay, Barangay Cambayobo, Calatrava, Negros Occidental noong Mayo 22. Taliwas sa sinasabi ng militar na napatay sa engkwentro, si Robles ay karaniwang magsasaka ng kamote at saging. Ayon sa Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Northern Negros (Roselyn Jean Pelle Command), kasinungalingan ang pahayag ng 79th IB na may engkwentro sa naturang bayan at araw.

Karaniwan nang modus ng mga yunit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) saanmang bahagi ng bansa na gumawa ng pekeng engkwentro para pagtakpan ang krimen ng pagpaslang ng mga sibilyan o mga nadakip na rebolusyonaryo. Lantarang paglabag ito ng rehimeng Marcos sa internasyunal na makataong batas at mga alituntunin sa digma.

Sa palabas nito sa Calatrava, iniulat ng 79th IB na nagtagal ang labanan ng 10 minuto. Pinalabas pa ng mga sundalo na mayroon silang nasamsam na M16, granada, mga bala at magasin, at iba pang kagamitang pandigma.

Ang biktimang si Redobles, isang magkokopra at magsasaka ng kamote at saging, ay matagal nang pinag-iinitan ng 79th IB. Ilang beses na siyang “ipinatawag” ng mga sundalo para kumbinsihin na maging aset paniktik sa kanilang lugar laban sa BHB at rebolusyonaryong kilusan. Sa pagnanais ng buhay na tahimik at walang pangamba, tinanggihan niya ito nang ilang ulit.

“Kinukundena namin ang pagpaslang kay Redobles at malisyosong pagdadawit sa kanya sa hukbong bayan,” pahayag ni Ka Cecil Estrella, tagapagsalita ng BHB-Northern Negros. Nagpaabot din siya ng pakikiramay sa naulilang asawa, anak at pamilya ng biktima.

Si Redobles ang ikalawang biktima ng sadyang pagpaslang ng AFP sa Northern Negros ngayong 2024. Una rito si Jose Caramihan na pinalabas ding napaslang sa engkwentro sa Sityo Mansulao, Barangay Pinapugasan, Escalante City noong Pebrero 21.

“Sa gitna ng grabeng krisis sa ekonomya…terorismo ng estado ang tugon ng naghaharing-uri sa masang anakpawis. Ginugutom na, pinapatay pa,” ayon kay Ka Cecil.

AB: Magsasaka ng kamote at saging, pinaslang ng 79th IB sa Negros Occidental