Balita

Magsasaka, pinatay ng militar sa Albay

Pinatay ng mga pwersa ng estado ang magsasakang si Vernon Bonggat noong Pebrero 20, sa kanyang bahay sa Barangay Tablon, Oas, Albay. Ang pagpatay sa kanya ay pinaniniwalaang ganting-salakay ng pwersa ng estado matapos ang kabiguan ng 49th IB laban sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) noong Pebrero 15 sa Barangay Ramay.

Ayon sa ulat, sapilitang pinasok ng dalawang ahente ng militar ang kanyang bahay bandang alas-8:30 ng gabi. Ang bahay ni Bonggat ay isang kilometro lamang ang layo mula sa isang seksyon ng 49th IB na nag-ooperasyon sa lugar.

Ang barangay at mga kalapit nitong komunidad ay isang linggo nang nakapailalim sa matinding militarisasyon matapos ang armadong aksyon ng BHB noong nakaraang linggo.

Ganito rin ang sinapit ng sibilyang si Armancio Malto na pinatay ng 49th IB sa kanyang bahay sa Purok 5, Barangay Badbad noong Marso 2022. Pinag-initan siya ng mga sundalo matapos magkaroon ng engkwentro sa pagitan ng yunit nito at ng BHB sa naturang barangay.

Sangkot din ang 49th IB sa pagpatay sa dalawang upisyal ng Barangay Badbad noong Setyembre 15, 2020. Wala pa ring hustisya ang mga biktima hanggang sa kasalukuyan.

AB: Magsasaka, pinatay ng militar sa Albay