Magsasaka sa Negros Occidental, pinatay ng 62nd IB

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Pinatay ng mga sundalo ng 62nd IB at mga pulis ang sibilyang magsasaka na si Marlon Catacio sa Sityo Ngalan, Barangay Quintin Remo, Moises Padilla, Negros Occidental, alas 5:35 ng umaga noong Abril 4. Tulad sa ibang kaso, pinalalabas ng mga sundalo na napatay siya sa isang engkwentro ng militar at Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Central Negros. Kaagad itong pinasinungalingan ng Pulang hukbo.

Sa isang panayam sa radyo, isinalaysay ng ina ng biktima na si Rosita Catacio na walang engkwentrong nangyari sa lugar. Sa halip, pinuntahan sa bahay at kinuha ang kanyang anak ng mga pulis mula sa 2nd Negros Occidental Provincial Mobile Force Company-Philippine National Police (NOCPMFC-PNP) at mga sundalo ng 62nd IB. Kasunod ito ay nakarinig na sila ng mga putok ng baril.

“Hindi kasapi ng BHB si Catacio,,” pahayag ni Ka JB Regalado, tagapagsalita ng BHB-Central Negros. Aniya, ang biktima ay isang magsasaka at mag-uuling sa kanilang komunidad. Karumal-dumal ang ginawang pagpaslang kay Catacio sa harap ng pagsisikap niyang mabuhay at makaagapay laluna ngayong panahon ng pananalanta ng El Niño.

Sa Negros Occidental, umabot na sa ₱97.78 milyon ang halaga ng pinsala sa agrikultura dulot ng tagtuyot. Labis na apektado ng napakainit na panahon ang 135 barangay sa 19 na bayan kabilang ang bayan ng Moises Padilla.

Dahil sa palabas na engkwentro, napwersang magbakwit ang 55 pamilya sa kalapit na mga komunidad na lubhang nakaapekto sa kanilang kabuhayan.

“(I)sa lamang si Catacio sa napakaraming biktima ng pamamaslang sa mga inosenteng magsasaka sa Central Negros,” ayon kay Ka JB. Ipinapakita lamang umano ng ganitong taktika ng militar ang desperasyon ng rehimeng Marcos na palabasin ang “pagdurog” sa hukbong bayan sa isla kasunod ng deklarasyong State of Stable Internal Peace and Security (SIPS) sa isla.

AB: Magsasaka sa Negros Occidental, pinatay ng 62nd IB