Magsasakang matagal nang ginigipit ng pulis at militar sa Negros Oriental, pinasurender

,

Labag sa kanyang mga karapatan, si Tonying Sulano, isang magsasaka, ay ipinarada bilang “surenderee” ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB)-7 ng Philippine National Police noong Hulyo 30 sa Barangay Nagbagang, Santa Catalina, Negros Oriental. Ilang taon nang paulit-ulit na ginigipit ng pulis at militar si Sulano. Pinalalabas ng mga pulis na sumuko si Sulano dala ang isang kalibre .38 rebolber noong Hulyo 30 .

Ang pamilya ni Sulano na residente ng Barangay Nagbalaye, at kanyang mga kaanak ay malaon nang biktima ng red-tagging, harasment atpekeng pagpapasuko ng mga pwersa ng estado.

Ang kapatid ni Tonying na si Onyot ay biktima ng pagpaslang ng 11th IB noong 2021. Habang ang kanilang tiyuhin naman na si Nene ay sapilitang pinasuko sa kampo ng RMFB noong 2022 kapalit ng “kalayaan ng kanyang dalawang anak.” Noong Marso 2019, biktima rin ng pagpatay ng pulis sa Oplan Sauron 2 ang manugang ni Nene na si Franklin Lariosa.

Hindi bababa sa anim na myembro ng pamilya ang nasa kustodiya ng mga pwersa ng estado at nananatiling nakapailalim sa iligal na detensyon. Hindi malinaw kung anu-anong mga kaso ang nakasampa sa kanila sa korte.

Ayon kay Ka Estrella Banagbanag, tagapagsalita ng BHB-Southeast Negros, “matapos ang harasment na dinanas ng pamilyang Sulano…[ginagamit ng estado] ang mga kaanak ng mga biktima para magsilbing aset paniktik at giya sa mga operasyong kombat ng militar.”

Binatikos ni Banagbanag ang modus ng pulis at militar sa Southeast Negros para makakulimbat ng mga pabuyang salapi at iba pang pinagkukunan ng korapsyon. Dagdag pa niya, “desperado ang 11th IB at RMFB-7 na pagtakpan ang kanilang kabiguan na pigilan ang pagpupunyagi ng armadong rebolusyon sa erya.”

Sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr, imbwelto ang 11th IB sa ekstrahudisyal na pagpatay kay Crisanto Lagradilla noong Hulyo 2022, tatlong pekeng engkwentro at hindi bababa sa 10 kaso ng sapilitan at pekeng pagpapasuko.

AB: Magsasakang matagal nang ginigipit ng pulis at militar sa Negros Oriental, pinasurender