Makabayang lider-guro at kinatawan ng ACT Teachers Partylist, kakandidato sa senado sa eleksyong 2025

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Inianunsyo ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang kanyang kandidatura sa pagkasenador sa darating na eleksyong mid-term sa 2025 kahapon, Hunyo 26. Isinapubliko niya ito sa ika-42 anibersaryo ng Alliance of Concerned Teachers (ACT)-Philippines na ipinagdiwang ng mga guro sa isang pagtitipon sa Univesity of the Philippines-Diliman.

Sa talumpati ni Rep. Castro, sinabi niya na ang desisyon ng kanyang pagtakbo bilang senador ay nagmula sa mungkahi at hamon ng kapwa mga guro na katawanin ang interes ng sektor at ng masang Pilipino sa mas mataas na pusisyon.

“Gusto natin na sa pamamagitan ng Makabayan, magkaroon ng alternatibo din sa eleksyon. Hindi tayo nasasapatan sa nangyayaring bangayan lang ng mga naghaharing uri: Marcos vs. Duterte, at iba pa,” ayon kay Rep. Castro.

Idiniin ni Rep. Castro na gusto niyang isulong ang tunay na pagbabago sa bansa. “Kaya gusto natin magsulong ng isang Makabayan na alternatibo na tatakbo sa Senado. Tinatanggap ko po ang hamon ng Alliance of Concerned Teachers at ng ating Sambayanan,” dagdag niya.

Malugod na tinanggap ng mga guro ang anunsyo ni Rep. France. “Nalulugod ang ACT NCR Union na tinanggap ni Cong. France ang hamon na tumakbo…at susuportahan iyan ng mga guro dahil sa kasaysayan, siya ang magiging kauna-unahang public school teacher sa Senado,” pahayag ng unyon ng mga guro sa National Capital Region. Ang ACT NCR Union ay kumakatawan sa 80,000 guro sa pampublikong eskwelahan sa NCR. Suportado rin siya ng ACT Private Schools.

Naging kilala si Rep. Castro sa maiinit na mga pagdinig sa House of Representatives laluna noong panahon ng pagkumpirma sa badyet ng mga ahensya ng gubyerno. Hindi siya nagkimi na banggain ang malalaking mga upisyal ng mga Marcos at mga Duterte para itaguyod ang karapatan ng mamamayang Pilipino.

Binusisi niya ang pagwawaldas ni Vice President Sara Duterte sa ₱125 milyong confidential at intelligence funds sa loob lamang ng 11 araw. Hindi rin siya naglulubay sa paghahabol na mapanagot si dating pangulong Rodrigo Duterte sa mga krimen sa sangkatauhan kabilang ang libu-libong kaso ng pagpatay sa gera kontra droga nito.

Tumindig rin si Rep. Castro laban sa pagratsada ng rehimeng Marcos sa charter change at maging sa pangungulimbat ng pera ng bayan sa Maharlika Investment Fund.

Sa loob ng House of Representatives, naghain siya ng mga panukala para sa pagtataas ng minimum na sahod ng karaniwang manggagawa, karapatan ng mga guro, at mga reporma sa sektor ng edukasyon. Kamakailan, naitulak ni Rep. Castro at ng ACT Teachers Partylist ang pagsasabatas sa Kabalikat sa Pagtuturo Act na nagtaas ng alawans para sa kagamitan sa pagtuturo tungong ₱10,000 mula sa dating ₱5,000.

AB: Makabayang lider-guro at kinatawan ng ACT Teachers Partylist, kakandidato sa senado sa eleksyong 2025