Makabuluhang dagdag-sahod, panawagan ng mga manggagawa sa Mayo 1

Libu-libong manggagawa sa pangunahing mga syudad ng Pilipinas ang nagmartsa kahapon, Mayo 1, Internasyunal na Araw ng Paggawa, para ipanawagan ang makabuluhang pagdagdag sa kanilang sahod at seguridad sa trabaho. Binatikos nila si Ferdinand Marcos Jr sa pakitang-tao niyang mga hakbang at kawalang-tugon niya sa hinaing ng mga manggagawa. Tahasang tumanggi si Marcos na dagdagan ang sahod at sa halip ay namigay lamang ng kakarampot na ayuda sa iilan.

Sa Metro Manila, 10,000 manggagawa sa ilalim ng All Philippine Trade Unions (APTU) ang nagmartsa mula sa España Avenue tungong paanan ng Mendiola Bridge sa Maynila. Binubuo ang APTU ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Kilusang Mayo Uno (KMU), Nagkaisa! Labor Coalition, Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), at iba pang mga grupong manggagawa.

“Sa unang Mayo Uno ng kasalukuyang rehimeng US-Marcos, nauna pang kausapin (ni Marcos) ang mga Kano kaysa mga Pilipino,” bwelta ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU. Sadyang lumipad tungong US si Marcos isang araw bago ang Mayo 1 para makipagpulong kay US Pres. Joseph Biden. Batikos ng KMU, sa halos isang taong pagkakaupo sa poder ni Marcos, pawang pahirap lamang sa obrero’t mamamayan ang dala ng kanyang mga patakarang maka-imperyalista at anti-mahirap.

Ayon kay Labog: “Sabay-sabay daw tayong aahon, ngunit tila di tayo umaahon kundi tuloy tuloy tayong bumabaon. Yan po ang ating kalagayan. Ibinebenta sa ibang bansa ang ating lakas-paggawa, ngunit malinaw na ang pagtugon sa matinding kagutuman at kawalan ng trabaho ay hindi naman natutugunan. Kaya mga kasama, mahalaga ang ating pagsasama-sama ngayong araw na ito bilang paggunita at pagtataguyod sa ating mga kahilingan.”

Tinawag ng grupong Gabriela si Marcos bilang “Boy Dedmatakas” mula sa pinaiksing dedma at takas. “Dedma at takas lagi ang ginagawa lalo na sa mahahalagang responsibilidad katulad nang pagsagot sa panawagan ng manggagawa na ₱750 wage increase. Sa halip na harapin niya ito, pinili niyang umalis para mas ibenta lalo ang ating soberanya sa US,” pahayag ni Clarice Palce, secretary-general ng Gabriela sa Araw ng Paggawa.

Nakiisa sa mga manggagawa ang mga magbubukid. “Walang pakialam si Marcos Jr sa mga manggagawang nahihirapan sa napakababang sahod, salat na mga benepisyo at hindi regular na trabaho. Walang pakialam si Marcos Jr sa mamamayang hilahod na dahil sa sobrang taas ng presyo ng pagkain at mga bilihin. Walang pakialam si Marcos Jr sa taumbayan na kanyang iiwan sa ilang araw niyang paglalamyerda sa ibang bansa, ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.

Matapos ang pagkilos sa Mendiola, natungo ang KMU at Bagong Alyansang Makabayan sa US Embassy para kundenahin ang patuloy na paglabag sa karapatang-tao dulot ng EDCA, VFA, MDT, at iba pang mga hindi pantay na kasunduan sa pagitan ng United States at Pilipinas. Kinundena nila ang pangangayupapa ni Marcos sa US at nanawagan sa pagbabasura sa mga di pantay na tratadong militar. Kabilang sa mga ito ang Mutual Defense Treaty, na muling isinalang sa negosasyon para umayon sa interes at pangangailangan ng US sa pakikipaggirian nito sa China.

Sa Cebu City, ginunita ng mga manggagawang Sugbuhanon ang ika-137 Araw ng Manggagawa sa isang martsa sa Osmeña Blvd. “Dugay na ta nga gipasagdan lang sa administrasyon ni Marcos ug bisan sa mga niagi, maong kinahanglan ang panaghiusa sa mga mamumuo ug sa katawhang Pilipino sa pag-usab sa katilingban ug aron tukoron ang gobyerno nga tinuod nga nagrepresentar sa mga mamumuo ug katawhang linupigan,” pahayag ni Jaime Paglinawan, lider ng KMU-Cebu. (Matagal na tayong pinabayaan lang ng administrasyong Marcos at kahit sa nakaraan, kaya kailangan ang pagkakaisa ng mga manggagawa at mamamayang Pilipino para baguhin ang lipunan at itayo ang gubyernong tunay na kakatawan sa mga manggagawa at inaaaping mamamayan.”

Sa Davao City, humigit-kumulang 400 myembro ng KMU-Southern Mindanao Region at iba pang makabayang organisasyon ang nagtipon para sa paggunita ng Mayo Uno. Hinarang ng mga pulis ang kanilang martsa sa Ponciano St. dahil sa kawalan diumano ng permit na protesta sa lugar. Tumungo sila sa Freedom Park para magdaos ng programa.

Ayon kay Paul John Dizon, pangkalahatang kalihim ng KMU-SMR, walang malinaw na solusyon ang rehimeng Marcos para resolbahin ang pinakakagyat na mga usapin sa paggawa. Aniya, malayong hindi nakasasapat ang ₱428 hanggang ₱443 na minimum na sahod sa rehiyon ng Davao para tugunan ang batayang pangangailangan ng isang pamilya. Binatikos din niya ang proyektong Davao Public Transport Modernization Project ng mga Duterte na papatay sa kabuhayan ng maraming drayber ng dyip at bus.

Sa Laguna, nasa 2,000 manggagawa mula sa iba’t-ibang unyon, myembro ng progresibong grupo, at mga kinatawan ng relihiyosong grupo ang nagrali sa Calamba Crossing. Siningil nila ang rehimeng Marcos sa tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng magbilihin at kawalang-tugon sa panawagan nilang nakabubuhay na sahod.

Sa Albay, nagtipon ang mga manggagawa sa Legazpi City sa pangunguna ng May One Committee Bicol. Lumahok sa rali ang mga drayber mula sa No to Jeepney Phaseout Alliance na nagsagawa ng karaban mula Busay, Daraga.

Sa Baguio City, nagtipon sa Igorot Park ang mga myembro ng KMU-Baguio at iba pa sa kabila ng lamig at bumubuhos na ulan. “Ang sahod ng manggagawa sa Cordillera na ₱400 ay hindi makahabol sa presyo ng bilihin at implasyon na nangyayari sa ngayon,” pahayag ni Mike Cabangon ng KMU. Tinatayang ₱1,159 kada araw ang kailangan ng isang pamilyang may 5-katao sa Cordillera. Sa gayon, kulang ng ₱759 ang kasalukuyang minimum na sahod sa rehiyon.

Sa Bacolod City, pinangunahan ng United Labor Alliance Negros (ULAN) ang pagkilos para sa karapatan at pambansang minium na sahod na ₱750. Bago makarating ang delegasyon mula sa Kabankalan City at South Negros, hinarang sila ng mga pulis malapit sa Lorenzo Zayco District Hospital. Nirekisa ng mga pulis ang kanilang mga sasakyan at hinanapan ng mga papeles nang walang dahilan. Kinundena ito ng September 21 Movement na nagsabing, paglabag sa mga karapatan sa malayang asembleya at malayang pagpahayag ang ginawa ng mga pulis.

Sa Cagayan de Oro, pinigilan ng mga pulis ang 70 myembro ng Kilusang Mayo Uno na nakamotorsiklo sa Barangay Bugo na papunta sa sentro ng syudad para lumahok sa rali. Inobliga silang magbigay ng mga lisensya at barangay clearance, labag sa kanilang mga karapatan, lalupa’t wala silang ginawang paglabag sa batas. Tatlong oras silang nakabilad sa araw bago “payagan” ng mga pulis na tumuloy sa syudad. Ayon sa pulis, nagmula sa Camp Crame (hedkwarters ng PNP) ang utos na “i-monitor” ang kilos ng mga militanteng organisasyon ng manggagawa sa buong bansa.

“Tinabunan ng upisyal ng pulis na nanguna sa pagharang sa komboy ang name patch (nakaburdang pangalan sa uniporme) niya para itago ang identidad niya, pero hininging malaman ang identidad ng mga manggagawa,” batikos ni Atty, Beverly Musni ng Union of People’s Lawyers in Mindanao (UPLM). Karapatan ng mga manggagawa na tumungo sa syudad para gunitain ang Mayo 1 at dapat alam ng mga pulis ito, pahayag niya.

Samantala, kinundena ng APTU noong Abril 30 ang arbitraryong pagbubuo ng Marcos ng isang komite para sa koordinasyon at pamamahala sa pagresolba ng mga kaso sa paggawa sa bansa sa pamamagitan ng Executive Order (EO) 23. Ang pagbubuo nito ay walang partisipasyon o input ng mga grupo sa paggawa, taliwas sa nakasaad na tripartism at pangangailangan ng isang dayalogo sa International Labor Organization Convention 144.

Alinsunod dito, kailangang sangkot kapwa ang mga manggagawa at kanilang mga amo sa proseso ng pagdedesisyon, laluna sa mga usaping direktang umaapekto sa kanila at pagresolba sa matagal nang mga kaso ng pagpaslang ng mga unyonista at iba pang paglabag sa mga kalayaan sa malayang asosasyon.

___
Updated: May 3, 2023 | 3:56PM

AB: Makabuluhang dagdag-sahod, panawagan ng mga manggagawa sa Mayo 1