Malalang paglabag sa karapatang-tao sa Myanmar, iniulat

,

Mula nang ipataw ng militar ng Myanmar ang batas militar, walang awat ang mga paglabag sa karapatang-tao sa mga sibilyan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Noong Agosto 8, iniulat ng mga grupo sa karapatang-tao na umabot na sa 2,158 mga aktibista kontra-martial law at iba pang sibilyan ang pinatay ng rehimeng Tatmadaw (militar) mula nang nagkudeta ang mga upisyal nito noong Pebrero 1, 2021.

Tinatayang umabot sa 15,000 ang inaresto ng militar sa lampas 17-buwan nitong paghahari. Sa kasalukuyan, 11,925 ang nakakulong. Ang 1,375 sa kanila ay mayroon nang mga sentensya. Pitumpu’t pito (77) sa kanila ang hinatulan ng kamatayan. Dagdag sa mga nakakulong ang 121 kataong hinatulan in absentia, kung saan 42 ang hinatulan ng kamatayan.

Ayon sa mga organisasyong nagmomonitor sa mga pang-aaresto at detenido, mas mataas pa rito ang aktwal na mga bilang dahil hindi lahat ng kaso ay naiuulat sa kanila.

Matatandaang napabalita noong Hunyo 24 na pinatay (executed) ng militar ang beteranong aktibistang si Ko Jimmy at mambabatas na si Phyo Zayar Thaw, kasama ang dalawa pang aktibista (Hia Mio Aung at Aung Thura Zaw), sa akusasyong sangkot sila sa mga “teroristang aktibidad.” Hinatulan sila ng kamatayan ng korteng militar noong Enero 2022 matapos ang paglilitis na hindi isinapubliko. Huling nagkaroon ng state execution sa Myanmar noong 1988.

Sa mga inaresto, 22 na ang pinalaya kamakailan matapos magpyansa habang 3,075 pa ang pinalaya ng estado. Kasabay nito, nagtala ang mga organisasyong nagmomonitor ng karapatang-tao ng pagpapasara ng militar sa 709 bahay at gusali sa pagitan ng Pebrero 2021 at Hulyo 2022.

AB: Malalang paglabag sa karapatang-tao sa Myanmar, iniulat