Mamamahayag sa kampus, nagreklamo sa paninikil sa ilalim ng rehimeng Marcos

Ang artikulong ito ay may salin sa English

“Fa-keh” o peke ang sinasabing pag-unlad sa karapatan sa malayang pamamahayag sa kampus sa ilalim ng rehimeng Marcos, ayon sa mga estudyanteng mamamahayag ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP). Ito ang hatol ng grupo habang papalapit ang ikatatlong State of the Nation Address ni Ferdinand Marcos Jr ngayong Hulyo.

“Daan-daang mga mamamahayag, ang kanilang mga buhay at kabuhayan ang nananatiling nasa peligro sa isa sa mga pinakamapanganib na bansa sa mundo para sa mga mamamahayag, kabilang ang pamamamahayag sa kampus,” ayon sa grupo.

Sa isang press conference ng kabataan kahapon, Hulyo 10, iniulat ng CEGP na nakapagtala ito ng 100 kaso ng paglabag sa campus press freedom mula 2022 hanggang 2023. Sa Camarines Sur lamang, 10 publikasyong pangkampus ang dumanas ng panggigipit ng militar para pwersahin ang mga ito na kumalas o ipatanggi ang pagiging myembro nito ng grupo. Dagdag dito ang 17 kaso ng sarbeylans at panggigipit mula 2023 hanggang 2024. Mahigit 70 ang kaso ng campus repression, tulad ng pagsesensor at pakikialam ng administrasyon ng paaralan.

Gamit ng militar, katuwang ang NTF-Elcac, ang Anti-Terror Law at batas kontra sa “terrorism financing” para gipitin ang kabataang mamamahayag.

Kabilang sa mga biktima nito ang dating editor ng The Catalyst at koordineytor ng Kabataan Partylist sa Quezon na si Fritz Labiano, na kinasuhan ng “terrorism financing,” kasama si Paul Tagle na tagapagsalita ng Tanggol Quezon.

Panawagan ng kabataang mamamahayag, galangin ni Marcos ang kalayaan sa pamamahayag, buwagin ang NTF-Elcac at ibasura ang ATA at batas sa terrorism financing.

Lalahok ang grupo sa protesta ng mamamayan sa Hulyo 22, sa okasyon ng ika-3 SONA ni Marcos.

AB: Mamamahayag sa kampus, nagreklamo sa paninikil sa ilalim ng rehimeng Marcos