Balita

Manggagawa ng TS Tech Trim Philippines, giit ang regularisasyon

Nagprotesta sa pambansang upisina ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Intramuros, Manila ang mga manggagawang kontraktwal ng TS Tech Trim Philippines-Laguna noong Oktubre 25. Giit nila sa DOLE na ibaba na ng ahensya ang desisyong regularisasyon nilang mga manggagawa sa naturang kumpanya.

Ang TS Tech Trim Philippines ay nagmamanupaktura ng mga upuan para sa sasakyan, mga door trim at trim cover. Pangunahin nilang sinusuplayan ang Honda Cars Philippines Inc., Isuzu Philippines Corporation, at Ford Motor Company Philippines, Inc.

Sa protesta ng mga manggagawa, kinundena nila ang paglabag sa karapatan ng kumpanya at kinokontrata nitong manpower agency na Yashima Sangyo Philippines Inc. (YSPI).

Kabilang sa mga paglabag sa karapatan sa paggawa ng naturang kumpanya ay ang biglaang ‘forced leave’ sa kanila mula pa noong Oktubre 22 hanggang Disyembre 3, kung saan 40 manggagawa ang pwersahang pinagbakasyon ng kumpanya. Liban ito, kinakaharap nila ang kawalan ng sapat na benepisyo at insentibo, at labis na pagpapa-“over time” sa trabaho.

Sa ulat ng mga manggagawa, unang ibinaba noong 2018 ng DOLE IV-A ang Notice of Compliance Order para sa TS Tech at YSPI, na nag-oobliga sa mga ito na sumunod sa wastong mga patakaran sa paggawa. Kabilang sa hinihingi sa kumpanya ang ‘notarized document on regularization plan’ (dokumentong ligal na nagsasaad ng plano para sa regularisasyon) para sa manggagawang kontraktwal sa TS Tech at ‘leasing agreement of tools and equipment’ sa pagitan ng dalawang kumpanya.

Lumitaw din noong 2018 ang kakulangan ng kumpanya sa mga dokumento tulad ng Family Welfare Committee organizational chart, ‘permit to operate mechanical equipment’ sa ilalim ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA), at Electrical Wiring Installation Inspection Certificate.

Pinuna rin ang kabiguan ng YSPI na magpakita ng dokumentong nagpapatunay na nagbigay ito ng 13th month pay at ‘record of payment of service incentive leave’ (patunay ng kabayaran) sa 255 factory workers nito.

Nakiisa ang KILOS NA Manggagawa sa panawagan ng mga kontraktwal ng naturang kumpanya. Giit nila sa DOLE na maglabas ng paborableng desisyon sa hanay ng mga manggagawang pinagkakaitan ng karapatan.

Ayon pa sa grupo, “hanggat hindi napapanagot ang mga employer na patuloy na lumalabag sa karapatan ng manggagawa, malabong makamit ang isang disenteng hanapbuhay.”

AB: Manggagawa ng TS Tech Trim Philippines, giit ang regularisasyon